Home NATIONWIDE Alice Guo, nagmatigas sa Senado: ‘Sa Tarlac ako ipinanganak’

Alice Guo, nagmatigas sa Senado: ‘Sa Tarlac ako ipinanganak’

Photo by: Cesar Morales

MANILA, Philippines – Matindi ang pagmamatigas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na isa itong Chinese national at hindi Filipino sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa illegal na Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) sa Tarlac nitong Lunes.

Sa kanyang pagharap sa Senado sa komite na nag-iimbestiga sa POGO sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros, ipinipilit ni Alice Guo na hindi siya si Guo Hua Ping at ipinanganak siya sa Tarlac at hindi sa China.

Bukod kay Hontiveros, hindi pinaniniwalaan ni Senador Loren Legarda ang pahayag ni Alice Guo sa kabila ng ilang dokumentong magpapatunay na isa siyang Chinese national base sa fingerprints na ibinigay ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senado.

“Ang alam ko po I was born in Tarlac,” ayon kay Guo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Tinutugon ni Alice Guo ang katanungan ni Hontiveros, chairperson ng panel, kung ipinanganak siya sa China.

Itinanong din ni Hontiveros kay Guo kung siya si Chinese national Guo Hua Ping, matapos kumpirmahin ng National Bureau of Investigation na ang dating alkalde at Chinese passport holder Guo Hua Ping ay may magkaparehong fingerprints.

Itinanggi ni Guo na siya si Guo Hua Ping.

“Honestly, hindi ko po alam kung paano nangyari. Basta alam ko alam ko ako po si Alice Guo. At pasensya na rin po kung hindi kayo naniniwala,” aniya sa komite.

Nagmatigas din si Guo na ama nito si Guo Jian Zhong pero hindi niya ina si Chinese passport holder Lin Wen Yi.

“Ang tatay ko po si Guo Jian Zhong po at hindi ko po nanay si Lin Wen Yi,” ani Guo.

Iginiit naman ni Legardaz na nagsisinungaling si Guo sa simula pa lamang ng pagdinig.

“Nag-oath na po siya. Pero maliwanag na nagsisinungaling kung saan siya ipinanganak. So I bring it to the body, opening pa lang nagsisinungaling na,” ayon kay Legarda.

“Umpisa pa lang, iniinsist siya, pinagpipilitan niyang ipinanganak sa Tarlac. Wala na pong maniniwala ‘yan, alam na po natin ‘yan,” dagdag niya.

Nadakip si Guo ng Indonesian authorities sa Tangerang City nitong Miyerkules at dumating sa Pilipinas nitong Biyernes. Ernie Reyes