Home HOME BANNER STORY Alice Guo muling kinastigo ng Senado

Alice Guo muling kinastigo ng Senado

File Photo / Cesar Morales

MANILA, Philippines – Kinastigo sa ikalawang pagkakataon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Lunes, Setyembre 9 si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa paulit-ulit umanong pagsisinungaling sa mga senador.

Ito ay makaraang paulit-ulit na tumangging sumagot si Guo sa mga tanong ng mga senador tungkol sa kanyang tunay na pagkakakilanlan.

“Alice Guo is continuing to lie to this committee despite glaring evidence that she is a Chinese national named Guo Hua Ping, whose father Jian Zhong Guo is Chinese based on her own declaration in this committee, and whose mother Lin Wen Yi is also Chinese based on her own declarations in bank documents by the way verified by the AMLC,” ayon kay Senator Risa Hontiveros, chairperson ng panel.

“This is a blatant defiance of the legislative’s constitutional power of inquiry. Lumalabas na pinaglalaruan mo ang aming batas at pinapaikot mo ang mga Pilipino, pero ibahin mo ang Senado,” dagdag pa ng senador.

Dito na ipinag-utos ni Hontiveros na i-contempt sa Senado si Guo “for testifying falsely and evasively” sa komite. Sinegundahan naman ito ni
Senator Joel Villanueva.

Sa pagdinig, iginiit ni Guo na siya ay ipinanganak sa Tarlac at hindi sa China.

“Ang alam ko po I was born in Tarlac,” sagot ni Guo sa tanong ni Hontiveros.

Tumanggi rin ito na kumpirmahin na siya ay si Guo Hua Ping sa kabila ng natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanyang fingerprint.

“Honestly, hindi ko po alam kung paano nangyari. Basta alam ko alam ko ako po si Alice Guo. At pasensya na rin po kung hindi kayo naniniwala,” giit ni Guo.

Ito ang unang pagkakataon na humarap si Guo sa imbestigasyon ng Senado matapos siyang tumakas palabas ng bansa noong Hulyo.

Si Guo ay nahaharap sa mga reklamong human trafficking.

Huli siyang dumalo sa Senate hearing noong Mayo 22.

Umalis si Guo sa bansa noong Hulyo at nahuli sa Indonesia noong nakaraang linggo. Agad siyang pinabalik ng Pilipinas matapos nito.

Ang dating alkalde ay iniuugnay din sa operasyon ng illegal POGO hub na nilusob ng mga awtoridad sa Bamban. RNT/JGC