MANILA, Philippines- Nagsumite na ng kanyang counter affidavit si dating Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong material misrepresentation na isinampa laban sa kanya para sa pinal at pinahabang deadline na itinakda ng Commission on Elections (Comelec).
Kinumpirma ni Comelec Chairman George Garcia ang pagsusumite ni Guo nitong Setyembre 12, na itinakda ng poll body bilang deadline para isumite ang counter affidavit matapos nitong bahagyang pagbigyan ang na-dismiss na mayor sa ikalawang mosyon para sa pagpapalawig ng oras.
Itinanggi ni Garcia na ang Comelec ay sini-single out si Guo kaugnay sa material misrepresentation case.
Ayon kay Garcia, magsusumite ang Comelec law department ng kanilang rekomendasyon sa kaso ni Guo sa Comelec en Banc sa susunod na linggo.
Pormal na naghain ng subpoena ang mga kinatawan ng Comelec laban sa na-dismiss na alkalde noong Agosto 13.
Binigyan si Guo ng 10 araw, o hanggang Agosto 23, para maghain ng counter affidavit ngunit ang panahon ay inilipat sa Agosto 27 dahil sa mga pista opisyal, sinabi ni Garcia.
Naaprubahan ang apela ng alkalde para sa extension hanggang Setyembre 1, ngunit pinalawig muli dahil sa sama ng panahon.
Sa paghahain ng ikalawang apela, ang legal counsel ni Guo na si David Buenaventura Ang at Jamilla Law Office ay nagpahayag na hirap sa pakikipag-usap kay Guo, habang ang pinal na draft ng kanyang counter affidavit ay nakabinbin pa rin ang lagda at beripikasyon.
Bahagyang pinagbigyan ng Comelec ang ikalawang mosyon at binigyan ang kampo ni Guo ng 10 araw na extension hanggang Setyembre 12, sa halip na ang hiniling na 15 araw na extension. Sinabi ng poll body na wala nang karagdagang extension na ibibigay sa dating alkalde.
Nahaharap si Guo sa mga reklamo ng human trafficking, undesirability at misrepresentation sa ilalim ng mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas, kung saan siya ay ibinalik sa bansa noong Setyembre 6 sakay ng isang pribadong eroplano.
Ang na-dismiss na alkalde, kasama ang 35 iba pa, ay nahaharap sa 87 counts ng money laundering na inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P7 bilyon kaugnay sa mga ni-raid na POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Kasalukuyang nakabinbin ang kasong graft laban kay Guo sa Capas, Tarlac Regional Trial Court-Branch 109.
Samantala, nagsampa na rin ng quo warranto petition laban sa kanya sa korte sa Maynila, gayundin ng petisyon para kanselahin ang kanyang birth certificate sa Tarlac court.
Nawala siya sa mata ng publiko matapos dumalo sa mga pagdinig ng Senado noong Mayo sa kanyang umano’y pagkakasangkot sa ni-raid na POGO hub sa kanyang lokalidad. Nag-udyok ito sa Senado na maglabas ng utos ng pag-aresto laban sa kanya.
Si Guo ay umalis ng bansa noong Hulyo sa kabila ng kanyang pangalan na nasa immigration lookout bulletin. Jocelyn Tabangcura-Domenden