MANILA, Philippines – Sinabi ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nitong Lunes, Setyembre 9 na walang sinumang Filipino o opisyal ng pamahalaan na tumulong sa kanya para makalabas ng Pilipinas noong Hulyo.
“Walang tumulong po ni isang Filipino or Filipina… Immigration, wala po. Government officials, wala rin po. Filipino, wala po. Wala pong tumulong,” ani Guo sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality.
Ani Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, imposible ang sinasabi ni Guo na walang tumulong na opisyal ng pamahalaan sa kanyang pagtakas.
“That’s impossible. Imposibleng walang tumulong sayo upang makatakas dito sa Pilipinas”
Itinanggi rin ni Guo na nagbayad sila ng P200 milyon na suhol upang palabasin sa bansa.
Nang una ay alangan pa si Guo na sabihin ang pagkakakilanlan ng taong tumulong sa kanyang pagtakas, ngunit kalaunan ay nakumbinsi ng mga senador na isulat na lamang ang pangalan sa papel.
Tumanggi si Guo na isapubliko ang pangalan nito dahil umano sa takot sa kanyang seguridad.
Ani Guo, ang taong tumulong sa kanya para makatakas ang siyang nag-yaya sa kanya para lumabas ng bansa.
“Siya nag-initiate…Nu’ng una po siya ang nagdesisyon para sa akin,” aniya.
“Actually, hindi po tulong ang hiningi ko sa kanya. Actually, to be exact, medyo pinagsalitaan ko po siya nang hindi maganda,” dagdag pa ng dating alkalde. RNT/JGC