Home NATIONWIDE Alituntunin sa palit-uniporme ng mga guro, school staff inilabas ng DepEd

Alituntunin sa palit-uniporme ng mga guro, school staff inilabas ng DepEd

MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng mga alituntunin sa mga alternatibong uniporme para sa teaching at non-teaching staff sa gitna ng mainit na temperatura sa buong bansa.

Sa isang Facebook post, inihayag ng DepEd na ang mga guro at iba pang kawani ay maaaring gumamit ng mga piling polo shirt bilang mas komportableng uniporme kapag nagre-report sa kanilang mga workstation.

Ayon sa DepEd Memorandum DM-OUHROD-2024-0662 na may petsang Abril 11, kabilang dito ang mga existing collared DepEd polo shirts na dati nang ginamit sa “Brigada Eskwela, Palarong Pambansa, Oplan Balik Eskwela, at Regional/ Division/ Schools Conference,” at iba pa.

Bukod sa mga dating ginamit na disenyo, pinayagan din ng DepEd ang paggamit ng mga puting polo na may logo ng DepEd at MATATAG.

Gayunman, sinabi ng DepEd na ipinagbabawal pa rin ang leggings, tights, at jogging pants, alinsunod sa revised dress code ng Civil Service Commission na itinakda para sa lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno sa lugar ng trabaho.

“Ang mga nabanggit na opsyon ay dapat ipares sa matte black pants anuman ang tela,” ayon pa sa DepEd.

Ang mga guro at non-teaching personnel ay maaaring gumamit ng slacks, jeans, o cargo pants para sa kanilang pang-ibaba.

Nauna rito, pinayuhan din ng DepEd ang mga mag-aaral na pinapayagan silang magsuot ng mas komportableng damit kapag papasok sa klase.

Pinaalalahanan din ang mga pinuno ng paaralan sa kanilang awtoridad na suspindihin ang mga personal na klase at magpatupad ng mga alternatibong paraan ng paghahatid kung kinakailangan. Santi Celario