Home METRO Alkalde dismayado sa pagsita sa isyu ng ‘Chinese students’ sa lungsod

Alkalde dismayado sa pagsita sa isyu ng ‘Chinese students’ sa lungsod

TUGUEGARAO CITY- Dismayado ang alkalde ng lungsod na ito sa pagsita sa mga estudyanteng Chinese national sa unibersidad sa nabanggit na lungsod.

Sa pahayag ni Mayor Maila Rosario Ting-Que noong Sabado, tinatawag niyang “racist at politicized” ang isyu tungkol sa umano’y dumaraming bilang ng mga Chinese national na estudyante sa lalawigan.

“Ano po ba ang mali sa amin? Ano po ang mali sa Tuguegarao? Hindi ba pwede mag-stay dito ang mga Chinese? Hindi ba pwede mag-stay ang mga tao na gusto lang magkaroon ng maayos na pag-aaral?” tanong pa ng alkalde.

Naglabas ng saloobin ang alkalde matapos paimbestigahan sa Kamara ni Cagayan 3rd District Representative Joseph “Jojo” Lara ang mga Chinese national na nag-aaral sa pribadong unibersidad sa nabanggit na lungsod.

Sinabi ni Lara na nakatanggap siya ng mga ulat mula sa kanyang mga nasasakupan na mayroong hindi bababa sa 4,600 mga mag-aaral na Chinese sa isang pribadong unibersidad at nakikita ang mga ito sa pampublikong lugar na may suot na ID.

Sinabi rin niya na ang kanilang presensya ay maaaring maglagay sa seguridad ng bansa sa panganib sa gitna ng agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Giit naman ng alkalde, walang iregularidad na nagaganap sa lalawigan at hindi totoo na may 4,600 Chinese national na estudyante.

Samantala, pinawi naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang umano’y alalahanin sa seguridad sa gitna ng napaulat na dumaraming bilang ng mga estudyanteng Chinese sa lalawigan.

“If ever dumadami po, hindi po surprise samin… Sanay na kami sa mga Chinese dito. In fact meron kaming tatlong Chinese schools dito,” ani Mamba.

Sinabi rin ni Mamba na walang nangyaring hindi kanais-nais na insidente na kinasasangkutan ng mga Chinese national.

Samantala, nangako naman ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iniimbestigahan ang napaulat na pagdami ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan.

Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margaret Padilla, aalamin nila ang legalidad sa pagpasok ng mga Chinese national kung walang nilabag na batas na dapat sundin bago makapasok ng bansa at kung ano ang kanilang layunin sa bansa.

Gayundin, iginiit ng Philippine National Police (PNP) na aalamin ang kanilang visa at inimbitahan din ang mga ito ng Commission on Higher Education (CHED). Mary Anne Sapico