Home METRO All-out war laban sa mga profiteer, smuggler, at hoarder ikinasa ng Kamara

All-out war laban sa mga profiteer, smuggler, at hoarder ikinasa ng Kamara

MANILA, Philippines – Nagdeklara si House Speaker Martin Romualdez ng all-out war laban sa mga profiteer, smuggler, at hoarder at nangakong gagawa ng mga agresibong hakbang upang mapababa ang presyo ng pagkain.

“The government is doing everything. Gagawa ang Kamara ng matinding hakbang upang labanan ang mga mapagsamantala” pahayag ni Romualdez.

“Sa mga profiteers dyan, ‘yung mga unscrupulous traders and wholesalers, we are going after you. The House will go after you. We will not allow this abuse to happen, lalo na itong panahon ng Pasko,” dagdag pa nito.

Isa sa naging hakbang ng Kamara ang pagbuo ng House Quinta Comm na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee na nag-iimbestiga kung bakit nanatiling mataas ang presyo ng bigas kahit na mayroong sapat na suplay at ibinaba na ang taripa na ipinapataw sa imported na bigas.

Ang super committee ay binubuo ng House Committees on Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, and Special Committee on Food Security.

Ang Quinta Comm ay nakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC), at Department of Agriculture (DA) para sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga warehouse na pinahihinalaang umiipit sa suplay ng bigas.

Pinuri rin ni Romualdez ang Quad Comm, na nagsisilbing“truth commission” na ang trabaho ay malantad ang korupsyon at sistematikong iregularidad.

“Parang nagiging truth commission na ngayon ‘yung Quad eh. Nagiging truth commission na ngayon ‘yung mga efforts natin dito sa Congress. Because this is the place, itong venue natin, ‘yung forum where we can come out and ferret out the truth,” dagdag pa ni Romualdez.

Iginiit rin ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng imbestigasyong isinasagawa ng Committee on Good Government and Public Accountability sa iregularidad sa paggamit umano ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.

Bukod sa pagkain, sinabi ni Speaker Romualdez na tututukan din ng Kamara ang isyu ng mahal na kuryente at ang suplay ng tubig.

“We will not stop there. Mind you, once we solve that, or at least we get the process going in bringing down the price of basic food commodities, we will even look at other basic needs of the people like power or energy cost. We will look at water. We will look at the very basic needs of the people because we are the House of the People,” pagtatapos pa ni Romualdez. Gail Mendoza