Home HOME BANNER STORY Alokasyon ng tubig sa NCR binawasan

Alokasyon ng tubig sa NCR binawasan

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng National Water Resources Board (NWRB) ang pagbawas ng alokasyon ng tubig para sa Metro Manila.

Sa kabilang banda, ang hakbang ay hindi mangangahulugan ng water supply interruptions, ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi ni DENR Undersecretary Carlos Primo David na ibinaba ang alokasyon para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System mula 50 cubic meters per second hanggang 49 cubic meters per second hanggang sa katapusan ng Mayo.

Samantala, tiniyak ng mga water concessionaires na Manila Water at Maynilad sa kanilang mga customer na walang magiging service interruptions ngunit dapat nilang asahan ang mas mababang presyon ng tubig sa mga piling oras.

“Dati ginagawa natin ito between 10 p.m. to 4 a.m. Pero ngayon mas pinatagal na natin, from 9 p.m. to 4 a.m. na yung reduced pressure,” sabi ni Manila Water Corporate Communications head Dittie Galang.

“Kahit binawasan po ang ating alokasyon for the remaining half of the month of May, kaya na po natin to get by na kahit wala pong service interruption. Ito ay sa pagitan ng 10 p.m. hanggang 4 a.m.” ani ng Maynilad Corporate Communications head Jennifer Rufo.

Ibinaba din ng NWRB ang alokasyon ng tubig ng National Irrigation Authority sa 12 cubic meters per second.

“Significant din yung pagkabawas nung sa NIA, pero ang good news ay most of our Bulacan and Pampanga farmers are now just about to harvest their crops,” dagdag pa ni David. Santi Celario