MANILA, Philippines- Isang malaking campaign rally ang nakatakdang isagawa ng administration-backed Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Lalawigan ng Cavite ngayong Biyernes (Marso 21) para sa midterm elections sa Mayo.
Susugod ang “Alyansa” senatorial ticket sa Cavite, na may pinakamalaking voting population sa bansa.
Mayroong 2,447,362 rehistradong botante, ang Cavite ay nagsisilbing krusyal na battleground tuwing mayroong national election kaya naman kritikal na campaign stop ito ng “Alyansa”.
Tatlo sa senatorial bets ng “Alyansa” ay “anak ng Cavite” kabilang sina reelectionist Senators Ramon “Bong” Revilla Jr. (Bacoor) at Francis “Tol” Tolentino (Tagaytay), maging si former Senator Panfilo “Ping” Lacson (Imus), para bigyan ng hometown advantage ang koalisyon sa naturang probinsiya.
Ang malalim na pinagmulan nina Revilla, Tolentino at Lacson sa Cavite, kasama ang kanilang subok at epektibong public service ay inaasahang magbibigay ng positibong ayuda para sa “Alyansa” habang nalalapit ang midterm polls.
Binigyang-diin ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng koalisyon, na napakahalaga ng suporta na magmumula sa mga botante ng Cavite para makamit ang tagumpay sa isang national election.
Ipararating ng “Alyansa” sa walong component cities at 15 municipalities ng Cavite ang kanilang pangako ng good governance, national unity at pangkalahatang kaunlaran.
Magtutungo naman nang Sabado (Marso 22) ang powerhouse Senate slate sa Santa Rosa, Laguna upang makisalamuha sa mga mamamayan ng isa sa pinakamabilis ang pag-unlad na lugar sa bansa.
Ang Laguna ay nagsisilbing gateway papunta sa Metro Manila, kaya naman ang Santa Rosa ay malaki ang papel sa economic expansion at political influence ng lalawigan.
Mayroong 2,140,124 rehistradong botante, ang Laguna ay krusyal na battleground para sa midterm polls sa Mayo, kaya naman ihaharap ng “Alyansa” ang kanilang matatag at subok na mga lider para makamıt ang suporta at tiwala ng mga taga-Laguna.
Bumubuo sa “Alyansa” ticket sina dating Interior Sec. Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Sen. Revilla, Sen. Pia Cayetano, dating Sen. Lacson, Sen. Lito Lapid, Sen. Imee Marcos, dating Sen. Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Sen. Tolentino, ACT-CIS Rep. at dating Social Welfare Sec. Erwin Tulfo at si Deputy Speaker Camille Villar.
Ayon kay Cong. Tiangco, makikipag-ugnayan sila sa malawak na electorate ng Laguna mula sa mga mauunlad na lungsod at munisipalidad hanggang sa mga rural farming communities ng lalawigan.
“Ang Laguna ay probinsiya ng kaunlaran, industriya at kasaysayan. Narito po ang ‘Alyansa’ upang mag-offer ng lideratong mapapatuloy at magpapalawak ng kaunlaran sa probinsiya, titiyakin namin na bawat komunidad ay magbebenepisyo sa mga economic opportunities at mga tulong mula sa pamahalaan,” paliwanag ng campaign manager. RNT