Home TOP STORIES Kababaihan, mahalaga sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas – Villar

Kababaihan, mahalaga sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas – Villar

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni senatorial candidate Camille Villar ang kanyang suporta sa mga kababaihan sa pagdiriwang ng Women’s Month sa Balanga, Bataan. Bilang pinakabatang kandidato sa darating na halalan sa Mayo 2025, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng bansa, kasabay ng paniniwalang “women lift up economies” o ang kababaihan ay nagpapalakas ng ekonomiya.

Nagbigay rin siya ng pagpupugay sa kanyang lola na si Nanay Curing, ina ng dating Senate President Manny Villar, na nagmula sa Orani, Bataan. Ayon kay Villar, nauunawaan niya ang maraming responsibilidad ng kababaihan sa tahanan at trabaho, kaya’t ipinahayag niya ang kanyang paghanga sa mga ina, lola, at anak na patuloy na nagsisikap para sa kanilang pamilya at lipunan.

Ipinangako rin ni Villar na uunahin ang kapakanan ng kababaihan sa pamamagitan ng mga batas at proyekto. Bilang kinatawan ng Las Piñas, isinulong niya ang Pregnant Women Welfare Act at Equal Maternity Protection Act, na nagbibigay ng benepisyo sa mga buntis na kabilang sa informal sector. Isinulong din niya ang libreng pagpapagamot at pagpapospital para sa mahihirap na kababaihan, kasabay ng kanyang adbokasiya sa maternal at reproductive health.

Bukod dito, pinangunahan ni Villar ang “Nanay Fair”, isang programa sa Las Piñas na nagbibigay ng pagsasanay sa kabuhayan, financial coaching, at mga seminar para sa mga ina. Binigyang-diin niya na ang pagpapalakas sa kababaihan ay nagpapatibay ng pamilya at komunidad, kaya’t patuloy niyang isusulong ang mga polisiya na magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa kababaihan. RNT