MANILA, Philippines- Sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang nangyaring pag-aresto sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ay isang kaso ng “extraordinary rendition.”
Iginiit din ni VP Sara na invalid ang arrest warrant na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanyang ama maliban na lamang kung nirepaso itong mabuti ng Philippine court.
Sa pamamagitan ng Zoom, dumalo si VP Sara sa Senate inquiry ni Senadora Imee Marcos hinggil sa pag-aresto kay Digong Duterte.
Si Imee Marcos ang chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.
Sa kanyang kalatas, inakusahan ni VP Sara ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng labag sa batas na pag-aresto sa kanyang ama noong March 11 nang lumapag ito sa Ninoy Aquino International Airport nang dumating mula Hong Kong.
Tinawag ni VP Sara ang nasabing pag-aresto bilang “patently illegal” at hinirang na “extraordinary rendition,” binigyang-diin na walang balidong arrest warrant na ipinalabas ang Philippine court.
Sa ulat, iginiit ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na ang pag-aresto at agarang paglilipat kay dating Pangulong Duterte sa ICC ay isang “kidnapping” at lantarang paglabag sa international legal standards at due process.
Si Roque, na kasalukuyang nasa The Hague upang tumulong sa depensa ni Duterte, ay nagbabala sa isang “government-orchestrated abduction.”
Inakusahan niya sina Pangulong Marcos, National Security Adviser Eduardo Año, at Interior Secretary Jonvic Remulla ng pagsasagawa ng isang extra-judicial transfer na labag sa batas.
Tinukoy ni Roque ang Article 59 ng Rome Statute, na malinaw na nagsasaad na ang sinumang akusado ng ICC ay dapat munang iharap sa isang competent judicial authority sa sariling bansa upang patunayan ang bisa ng arrest warrant, kilalanin ang pagkakakilanlan ng akusado, at tiyakin na hindi nilabag ang kanyang mga karapatang legal.
“Ayon sa Rome Statute, dapat dinala muna si Duterte sa isang local court upang tiyakin ang legalidad ng kanyang pagsuko. Sa halip, isang lihim na operasyon ang isinagawa na bumalewala sa kanyang karapatang dumaan sa due process.” Kris Jose