Home NATIONWIDE Alyansa walang alam sa isyung posibleng pagkalas nina Imee at Camille sa...

Alyansa walang alam sa isyung posibleng pagkalas nina Imee at Camille sa admin slate

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 12 senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Santa Rosa City, Laguna sa Sabado (Marso 22, 2025). Hindi sumali sa sortie sina Senator Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar sa ikalawang sunod na araw. Cesar Morales

MANILA, Philippines- “I cannot answer that question for them.”

Ito ang simpleng sagot ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas campaign manager Toby Tiangco nang tanungin ukol sa balitang kakalas na sa administration senatorial slate sina Sen Imee Marcos at Las Pinas Rep. Camille Villar.

Ang pagkalas nina Marcos at Villar ay patuloy na umuugong matapos hindi makasama ang dalawa sa dalawang mahuling campaign rally ng Alyansa sa Cavite at Laguna.

Bukod sa hindi pagdalo sa rally ay hindi rin nabanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang talumpati sa Cavite ang kapatid na si Imee.

Sinabi ni Tiangco na sa usapin kung kakalas ba sina Imee at Camille ay tanging ang dalawa lamang ang makakapagsabi nito.

Ukol naman sa kung ilalaglag na din ng Alyansa ang dalawa, inamin ni Tiangco na walang anumang ganitong usapan na natatalakay.

Matatandaan na si Sen. Imee ay nanguna sa imbestigasyon ukol sa naging paraan ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte habang si Camille Villar naman ay naiipit matapos na magpahayag ng suporta ang kanyang pamilya kay Pangulong Duterte at tuligsain ang naging paraan ng pagkakaaresto rito. Gail Mendoza