MANILA, Philippines- Sinabi ng ilang transport group na hindi sila lalahok sa transport strike sa Lunes (March 24) na ikinasa ng grupong Manibela.
Ayon kay Ka Lando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP), mag-isang gagawin ng transport group na MANIBELA ang kanilang panawagan para sa transport strike simula sa Lunes, ika-24 ng Marso, upang iprotesta ang umano’y hindi tumpak na mga numero ng konsolidasyon ng gobyerno.
Ito ay matapos ideklara noong Sabado ng transport group na Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) at ang tinaguriang “Magnificent 7”, na binubuo ng mga pampublikong organisasyon ng jeepney, na hindi sila sasama sa mga aksyon.
Sinabi pa ni Marquez na nagboluntaryo na silang sumunod sa panawagan ng gobyerno para sa public transport modernization na siyang pangunahing dahilan para hindi sila sumali sa transport strike.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Marquez na nangako ito ng suporta kay Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes para isulong ang kapakanan ng senior citizens sa ginanap na pulong balitaan sa Quezon City nitong Sabado, na hindi sila “pinilit” na i-adopt at ipatupad ang public transport modernization program, taliwas sa mga alegasyon ng ilang hindi nasisiyahang transport group.
Sinabi pa ng lider ng LTOP na magiging pabigat lamang sa riding public ang welga.
“Hindi kami lalahok sa kilos protesta na isasagawa ng Manibela dahil magiging pabigat lamang ito sa mga mananakay,” sinabi pa ni Marquez.
Naniwala ang grupo ng transporyasyon sa pamumuno ng bagong itinalagang Department of Transportation Secretary Vince Dizon na nagkusa na magkaroon ng pampublikong konsultasyon at dayalogo sa isyu ng modernisasyon. Santi Celario