Home HOME BANNER STORY P816M tobats nasamsam sa Calapan Port

P816M tobats nasamsam sa Calapan Port

MANILA, Philippines- Magkatuwang na nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P816 milyong halaga ng ilegal na droga sa Calapan Port, Oriental Mindoro.

Kasabay nito ang pag-aresto sa isang 43 anyos na lalaki na nakalista bilang regional priority target at high value individual.

Ayon sa PCG, sakay ng MV Santa Editha ang suspek nang ikasa ang operasyon kung saan nagsagawa ng random paneling at inspeksyon sa lahat ng rolling cargoes na sakay ng nasabing barko.

Isang Toyota Camry na kulay puti ang nasita ng mga awtoridad at dumaan sa paneling ng CG9 team gamit ang CG Working Dog Queenly na nagpakita ng positibong indikasyon na may presensya ng ilegal na droga sa likurang bahagi ng sasakyan.

Kaagad naman itong ipinagbigay-alam sa PDEA-Mimaropa para sa kaukulang assessment.

Gayunman, ang suspek ay nagtangkang tumakas ngunit agad din itong nasukol.

Sa pagsusuri, lumabas na ang chemical substance na nakuha sa suspek ay hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride o “shabu”.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Section 5 (Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs and/or controlled precursors and Essential Chemical) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Under Article II: Unlawful Acts and Penalties of Republic Act No. 9165.

Ang mga nakumpiskang item kasama ang mga ebidensya ay isinailalim na sa kustodiya ng PDEA-Mimaropa para sa safekeeping at gagamitin sa court proceedings. Jocelyn Tabangcura- Domenden