MANILA, Philippines- Tila napagkamalan ng mga Pilipino ang isang American horror fiction author bilang lead lawyer ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) proceedings.
Sa Facebook, inireklamo ni Nicholas Kaufmann ang pagkakatanggap ng mga mensahe mula sa mga taga-suporta at kritiko ni Duterte na napagkamalan siyang si Nicholas Kaufman, ang British-Israeli lawyer ng dating Pangulo.
“I am being absolutely flooded today with followers and commenters from the Philippines who I guess don’t believe I’m not Duterte’s lawyer,” paglalahad ng manunulat sa isang post nitong Martes.
“Our names aren’t even spelled the same (he’s Kaufman with one N). It’s insane!” giit niya.
Noong March 21, nag-post na ang manunulat na si Kaufmann sa Facebook: “PEOPLE OF THE PHILIPPINES, I AM NOT THE ICC LAWYER NICHOLAS KAUFMAN WHO IS REPRESENTING PRESIDENT DUTERTE! PLEASE STOP MESSAGING ME!”
Naka-pin ang nasabing post sa kanyang profile.
Sa post kamakailan, tinanong ang manunulat kung ang nagpapadala sa kanya ng mensahe ay pro o anti Duterte.
“They started out pro-Duterte, but lately I’m getting some anti-Duterte commenters from the Philippines who are apologizing for the others and calling many of them bots,” tugon ni Kaufmann sa comment section.
Si Kaufmann ay isang kilalang manunulat mula sa US naging nominado para sa Bram Stoker Award, Thriller Award, at Shirley Jackson Award para sa kanyang horror at suspense works.
Si Atty. Kaufman naman ay itinalaga sa ICC case ni Duterte noong March 17, matapos siyang arestuhin at dalhin sa The Hague upang harapin ang mga kasong may kaugnayan sa mga pagpatay sa war on drugs ng kanyang administrasyon. RNT/SA