MANILA, Philippines – Magdadala pa rin ang Northeast Monsoon o amihan ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sinabi ng PAGASA na patuloy nitong binabantayan ang isang Low Pressure Area (dating Ada) na tinatayang nasa 765 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur bandang alas-3 ng umaga.
Inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may mahinang ulan ang Cagayan Valley, Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, Apayao, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Aurora, Quezon, at Oriental Mindoro dahil sa amihan, ngunit wala itong inaasahang malaking epekto.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil din sa Northeast Monsoon, na walang inaasahang malaking epekto.
Ayon pa sa PAGASA, makararanas ng malakas hanggang gale-force na hangin ang silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, na magdudulot ng maalun-alon hanggang napakaalon na karagatan.
Ang Northern Luzon at silangang bahagi ng Central Luzon ay makararanas ng katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalun-alon na karagatan, habang katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalun-alon na dagat ang mararanasan sa iba pang bahagi ng bansa. RNT