manila, pHILIPPINES – Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng magtapos ang northeast monsoon season, o “amihan,” sa unang bahagi ng Marso.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Joey Figuracion, ang pagtatapos ng amihan ay hudyat ng paglipat mula sa malamig at tuyong panahon patungo sa mainit at tuyong season.
Ang klima sa Pilipinas ay nahahati sa dalawang pangunahing panahon: tag-ulan mula Hunyo hanggang Nobyembre at tag-tuyo mula Disyembre hanggang Mayo.
Nahahati naman ang tag-tuyo sa malamig at tuyong panahon mula Disyembre hanggang Pebrero, at mainit at tuyong panahon mula Marso hanggang Mayo.
Ang pagtatapos ng amihan ay nangangahulugan ng pagwawakas ng malamig na panahon na nagdala ng mababang temperatura, hilagang-silangang hangin, at paminsang pag-ulan, lalo na sa silangang bahagi ng bansa mula Oktubre.
Kasabay nito ang pagbabago ng direksyon ng hangin mula hilagang-silangan patungong silangan, na magdadala ng mas mainit na panahon.
Sa mga susunod na buwan, asahan ang mas maaraw at tuyong panahon, bagamat posible pa rin ang pag-ulan at pagkidlat sa hapon o gabi. Noong 2024, opisyal na idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng amihan noong Marso 22, ngunit ngayong taon, inaasahang mas maaga itong magtatapos. Santi Celario