MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa higit P3.2 milyon halaga ang mga nakumpiskang ari-arian ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang serye ng mga operasyon sa ilalim ng Fuel Marking Program (FMP), makaraang salakayin ang dalawang gasoline station sa Bicol Region na sangkot sa iligal na pagbebenta ng mga unmarked fuel.
Ayon sa BOC, nasamsam ng mga awtoridad ang nasa 30,891.5 litro ng gasolina at diesel na nagkakahalaga ng P1.745 milyon, kasama ang isang fuel truck na nagkakahalaga ng P1.5 milyon, kaya umabot ito sa kabuuang P3.245 milyon.
Nabatid na ang mga pagsamsam ay ginawa bilang paglabag sa Section 7 ng DOF-BOC-BIR Joint Circular 001.2021 at Sections 1113 (a) at (k) ng RA 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act.
“The recent operations in the Bicol Region reflect our unwavering commitment in enforcing the law and ensuring compliance within the fuel sector. The identification and seizure of non-compliant fuel highlights our proactive stance against illegal fuel sales and tax evasion. We urge all fuel station operators to strictly adhere to regulatory standards to avoid severe consequences,” ani District Collector Guillermo Pedro Francia IV.
“The crackdown on illegal fuel sales is a strong reminder of the Bureau of Customs’ ongoing efforts to safeguard government revenues and ensure fair competition among compliant businesses,” ayon naman kay Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
Upang labanan ang fuel smuggling, ang BOC ay nagsasagawa ng random field tests ng mga retail station at tank trucks para i-verify ang pagsunod sa fuel na ibinebenta sa publiko sa ilalim ng Fuel Marking Program.
Ang mga sample na nabigo sa pagsubok ay nagpapahiwatig ng smuggling o hindi pagbabayad ng mga buwis. JR Reyes