
SA pagdiriwang ng Google Maps ng dalawang dekada nitong pagtulong na tuklasin, kumonekta, at magbiyahe nang mas madali sa nais puntahang direksyon.
Naging malaki at mahalagang bahagi ang web mapping platform sa pagpapakita ng mayamang kasaysayan, masiglang kultura at kalinangan, at kahanga-hangang likas na kagandahan ng bansa.
Bilang bahagi ng paggunita sa makasaysayang okasyon, inilabas ng Google Maps ang dalawampung pinaka-hinanap na mga pasyalan sa Pilipinas, na nagpapakita ng iba’t ibang destinasyon, mula sa mahahalagang pook pangkasaysayan hanggang sa mga kahanga-hangang likas na tanawin.
Nanguna sa listahan ang Quezon Memorial Circle na nasa kalagitnaan ng Elliptical Road, Quezon City. Isa itong pampublikong parke at pambansang dambanang alay kay President Manuel Quezon na Pangulo sa panahon ng Commonwealth. Matatagpuan dito ang kanyang labi at ng kanyang asawang si Aurora Quezon.
Nagsisilbi itong lungsod-luntiang pahingahan para sa mga pamilya, siklista, at joggers. Popular din itong destinasyon para sa iba’t ibang aktibidad gaya ng cultural performances, bazaars, at community events.
Nasa ikalawang pwesto ang Magellan’s Cross Pavilion sa Plaza Sugbo, Cebu City, na simbolo ng pagyakap ng mga sinaunang Filipino bilang mga Kristiyanong Katoliko mula nang dumating si Ferdinand Magellan sa Cebu noong Abril 21, 1521. Isa itong deklaradong National Cultural Treasure ng bansa.
Sa Cebu City rin matatagpuan ang ikatlong nasa listahan ng Google Maps, ang Temple of Leah na isang templong inialay ni Teodorico Soriano-Adarna sa namayapang asawang si Leah Villa Albino-Adarna nang ito ay mamayapa, bilang sagisag ng kanyang wagas at panghabambuhay na pag-ibig.
Ika-apat naman ang Cagsawa Ruins na nasa Daraga, Albay na tanging nalabi mula sa Cagsawa Church o Franciscan Church matapos ang naging pagsabog ng aktibong Mt. Mayon noong February 1, 1814. Kasamang nailibing sa loob ng Simbahan ang nasa higit kumulang 2,000 na mga residente ng Barangay Busay na nagtago sana rito ngunit lumubog din ito sa pyroclastic materials na ibinuga ng bulkan.