MANILA, Philippines – Nakatulong nang malaki ang P162.9 milyong dagdag sa 2026 budget ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na isinulong nina Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson at noo’y Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian, upang maisama ng AMLC ang artificial intelligence (AI) sa mga hakbang nito laban sa money laundering ngayong taon.
Ibinahagi ito ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor at AMLC Chairman Eli Remolona Jr. nitong Huwebes, halos isang taon matapos matukoy sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa flood control scandal ang mga kakulangan sa mga hakbang ng bansa laban sa money laundering, kasunod ng malalaking cash transactions na kinasasangkutan ng mga kontratista.
Dagdag ni Remolona, ginamit ng AMLC ang P125 milyon sa dagdag na badyet para palakasin ang AI capability nito.
“Ang P125 million, napunta yan sa AI; tapos ang capacity building. Kailangan din ng mga experts sa paggamit ng AI. So gamit na gamit po ang budget na yan,” sabi ni Remolona bilang tugon sa tanong ni Lacson sa briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) para sa 2027 national budget.
“Sa exercise na lang ng oversight namin, nasaan na tayo ngayon sa naitulong naming kaunting halaga na P162M? Nag-improve ba capacity ng AMLC?” tanong ni Lacson kay Remolona.
Nang tanungin ni Lacson kung nakatulong sa AMLC ang P162-milyong dagdag-pondo, sumagot si Remolona ng, “Absolutely.”
Sa Nobyembre noong nakaraang taon, ibinalik ng Senate finance committee sa P333 milyon ang panukalang 2026 budget ng AMLC sa ilalim ng pamumuno noon ni Gatchalian, kasunod ng matibay na rekomendasyon ni Lacson.
Ibinalik sa P333 milyon ang budget ng AMLC sa Senate version ng budget bill, mula sa P170.161 milyon na inilaan dito sa National Expenditure Program (NEP).
Noong Setyembre ng nakaraang taon, tiniyak ni Lacson sa AMLC na tutulungan niya itong makuha ang kinakailangang pondo upang labanan ang money laundering at korapsyon, kasabay ng kanyang pagbatikos na “crumbs” lamang ang nakalaan para sa AMLC sa NEP.
Kasunod ito ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee kung saan natuklasan na si Sally Santos, may-ari ng Syms Construction, ay nakapag-withdraw ng P457 milyon cash sa loob ng isang araw, noong Marso at Abril 2025, o sa loob ng siyam na araw lamang. Noong panahong iyon, dinala niya ang pera kay dating Public Works engineer Brice Hernandez.
Binanggit noon ni Lacson na nagmungkahi ang AMLC sa Department of Budget and Management ng P333.1 milyon na budget para sa 2026, ngunit P170.161 milyon lamang ang inilaan dito sa ilalim ng NEP.
Iginiit ni Lacson na ang karagdagang pangangailangan ng AMLC ay mas maliit sa komisyon at SOPs na hinihingi ng tiwaling opisyal ng Department of Public Works and Highways at ilang legislator-proponents. Ernie Reyes