MANILA, Philippines – Nanawagan ang mga grupo ng mga medical professional sa gobyerno na ipagpaliban ang mga pagbabago sa Universal Health Care (UHC) Act at tutulan ang pagbaba ng kontribusyon sa PhilHealth.
Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ng grupo na hindi pa ganap na naipatupad ang batas dahil sa epekto ng COVID-19 at may mga pondo mula sa sin tax na hindi pa naipapamahagi.
“Ang UHC ay isang batas na binuo sa loob ng 18 taon, halos 20 taon, at pumasa lang noong 2019… Halos hindi na-implement hanggang 2022 ang mga saligang provision ng UHC dahil sa COVID crisis. Ang plano ng DOH at PhilHealth, mag-implement sa ilang pilot area pero sa ngayon wala pang 6 lugar sa Pilipinas ang nag-i-implement ng bahagi ng UHC, so makikita natin hindi pa napapatupad ang batas at hindi pa natin nakikita ang potential,” ani dating Commission on Population and Development (CPD) Undersecretary Dr. Juan Antonio Perez III.
Ipinahayag ang pag-aalala sa nawawalang pondo at takot na maaaring ma-bankrupt ang PhilHealth sa 2026 kung babawasan ang kontribusyon, na magreresulta sa kakulangan ng benepisyo para sa mahihirap.
“Kung ano-ano hadlang ang nangyayari… Lahat, ginigipit ang pondong pumapasok sa PhilHealth. Ang mahalaga rito, kung kulang ang pondo ng PhilHealth, hindi nila mabibigay ang karampatang benepisyo para sa mahirap… So magiging bankrupt na siya talaga o kulang ang pondo talaga para magtuloy-tuloy ang serbisyo,” dagdag pa niya.
Binatikos din ang pagmamadali sa mga pagdinig at ang kawalan ng konsultasyon sa mga manggagawa at stakeholder, na nagsabing ang pagbaba ng kontribusyon ay magdudulot ng dagdag na pasanin sa mga empleyado.
Nanawagan sila ng masusing pagtalakay at tunay na reporma upang matiyak ang buong pagpapatupad ng UHC. RNT