BULACAN — Arestado ang 33-anyos na lalaki matapos umanong pagnakawan at saksakin nang 11 beses ang 23-anyos na babaeng tenant sa loob ng inuupahang unit nito sa Barangay San Martin IV, San Jose del Monte City.
Ayon sa pulisya, pinasok ng suspek ang unit ng biktima noong Hulyo 9 at kinuha ang cellphone nitong nagkakahalaga ng mahigit P6,000 at wallet na may lamang P500.
“Nung naibigay na nung victim yung cellphone niya at pera niya nung nagsisigaw na itong ating biktima, pinagsasaksak ng ating suspek yung biktima natin and tumakas na po. Gusto lang talaga niyang pagnakawan sir,” ani Police Lieutenant Colonel Reyson Bagain, chief of police ng San Jose del Monte City Police Station.
Nagtamo ang biktima ng 11 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at anim na araw na na-confine sa ospital.
Pormal siyang nakapagreklamo sa pulisya noong Hulyo 24, dahilan upang agad magsagawa ng follow-up operation. Naaresto ang suspek kinabukasan sa General Trias, Cavite.
Napag-alaman ng pulisya na anak ng may-ari ng apartment building ang suspek.
Inamin ng lalaki ang krimen dahil umano sa matinding pangangailangan ngunit iginiit na nasaksak niya ang biktima bilang pagtatanggol sa sarili matapos umano itong kumuha ng kutsilyo.
“Ang gusto ko lang sana kunin noon ay yung cellphone at kaunting pera. Nagkataon po na parang manlalaban po siya, kumuha po siya ng kutsilyo. Nataranta po ako. Kaya ko po ginawa yun kasi dinepensahan ko lang yung sarili ko kasi parang gusto niya rin akong saksakin,” paliwanag niya.
Humingi rin siya ng tawad sa biktima at sa kanyang ina.
“Humihingi ako ng tawad sa kanya. Sana mapatawad niya ako. Hindi ko naman po gusto yun. May anak siya, may anak din po ako. Sa iyo, Ma, mahal na mahal kita, sana mapatawad mo ako. Alam ko naapektuhan yung hanapbuhay natin,” sabi ng suspek.
Ayon sa pulisya, dati nang nasangkot sa pagnanakaw ang suspek at may standing warrant of arrest sa kasong qualified theft.
Mahaharap siya sa reklamong robbery with frustrated homicide. Mary Anne Sapico