Home NATIONWIDE Anak ng retired general huli sa P29.9M shabu

Anak ng retired general huli sa P29.9M shabu

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang anak ng retiradong heneral matapos makumpiskahan ng P29.9 milyong halaga ng illegal na droga sa anti-drug operation sa Zamboanga City nitong Lunes, Nobyembre 18.

Kinilala ng Police Regional Office in Zamboanga Peninsula (PRO-9) ang suspek na si Ashraf Kayzar Ikbala, 40, residente ng Aurora Village, Barangay Tumaga.

Naaresto si Ikbala sa ikinasang buy-bust operation bandang 11:05 ng umaga sa Sitio Palawan, Zone 2, Barangay Divisoria.

Ang operasyon ay isinagawa ng joint police forces, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Naval Intelligence and Security Group-Western Mindanao.

Nasamsam sa suspek ang mahigit apat na kilo ng shabu na nakalagay sa transparent plastic bags.

Anang pulisya, si Ikbala ay anak ng retired police general na nagsilbi bilang Philippine National Police Directorate for Human Resource and Doctrine Development noong 2010.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Zamboanga City Police Office si Ikbala at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Napag-alaman na naaresto na rin si Ikbala noong Enero 2019 matapos makuhanan ng P100,000 halaga ng illegal na droga sa operasyon sa Aurora Village Subdivision, Barangay Tumaga.

Naiugnay din ito sa dalawa pang drug-related cases na inihain sa kanya noong 2018. RNT/JGC