MANILA, Philippines- Lalahok na rin sa laban sa politika para sa 2025 elections si Brian Poe Llamanzares, anak ni Senator Grace Poe bilang unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan party-list.
Sinamahan ni Sen. Poe ang kanyang anak sa paghahain ng certificate of nomination and acceptance (CONA) sa Commission on Elections (Comelec) sa Manila Hotel Tent City nitong Oktubre 3.
Ayon kay Sen. Poe, suportado nito ang nominasyon ng FPJ Panday Bayanihan party-list, ang grupo na kanyang tinulungan at inorganisa at nagsimula pa noong 2013 bilang foundation.
Ayon kay Llamanzares, nilayon ng FPJ party-list na ipagpatuloy ang legislative agenda ni Poe at katawanin ang mga sektor ng urban poor, informal settlers, transportasyon, kabataan, magsasaka, mangingisda, at frontliners.
“I took my Masters on climate change, on national security and PhD on public administration. I started from the bottom as a researcher. Lahat ng legislative agenda dumaan sa desk ko kaya sa tingin ko handa akong magsilbi para sa bayan,” sabi ni Llamanzares.
Ang pangalawang nominado ng party-list ay si Marc Petron at Hiyas Dolor naman ang ikatlong nominado. Jocelyn Tabangcura-Domenden