MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos nitong gahasain ang sariling ina sa Candijay, Bohol.
Iniulat na ginahasa ng isang 40 anyos na lalaki ang ina nitong 61 anyos, bandang alas-5 ng umaga noong Setyembre 27.
Ang lalaki ay isang ex-convict na lumaya mula sa piitan matapos ang 14 na taong pagkakakulong dahil sa pagpatay.
Agad na humingi ng tulong ang ina nito sa barangay. Ang kaso ay inirefer sa Candijay Police Station.
Ani Police Captain Albert Sator, hepe ng Candijay Police Station, hindi na umano makayanan ng ina ang mga ginagawang pang-aabuso ng anak.
Isinalaysay ng biktima sa mga awtoridad na una siyang ginahasa ng anak noong 40 anyos pa lamang siya, at nasa 20 taong gulang ang anak niya nang mga panahong iyon.
Pinagbantaan din ang biktima na papatayin kung magsusumbong sa mga awtoridad.
Sa pangyayari noong Setyembre 27 ay hindi na nakayanan ng ina ang ginagawa ng anak kung kaya’t naglakas loob na itong magsumbong sa pulisya sa kabila ng muling pagbabanta nito sa kanyang buhay.
Ayon sa biktima, lasing ang suspek na kagagaling lamang sa isang lamay.
Aniya, tinabihan siya ng kanyang anak, niyakap at saka ginahasa. RNT/JGC