Home NATIONWIDE Anchor ng SMNI pinatawan ng contempt ng Kamara

Anchor ng SMNI pinatawan ng contempt ng Kamara

MANILA, Philippines – Pinatawan ng contempt ng House Committee on Legislative Franchises si Jeffrey “Ka Eric” Celiz, ang isa sa mga anchor ng SMNI.

Sa pagdinig ng komite, nagmosyon si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na i-contempt si Celiz dahil sa kawalang-galang nito sa komite at pagtanggi na ibunyag kung sino ang kanyang source sa sinasabi nitong P1.8 billion ang ginastos ni House Speaker Martin Romualdez sa byahe nito ngayong taon.

Nagdesisyon ang komite na mananatili si Celiz sa Batasan Pambansa Complex hanggang sa mapagtibay ang committee report sa plenary session.

Bago nito, inusisa ni Quezon Rep. David Suarez si Celiz kung sino ang source niya sa kanyang impormasyon na una na niyang sinabi na mula sa Senado.

Una nang inamin ni Celiz na mali ang kanyang impormasyon gayunpaman nagmamatigas ito na isiwalat kung kanino nakuha ang maling impormasyon.

Ayon sa mambabatas, mahalagang malaman kung sino ang nagpakalat ng pekeng impormasyon dahil maaaring maapektuhan ang inter-parliamentary relations sa pagitan ng Senado at Kamara.

Pinaninindigan ni Celiz na protektado siya ng Republic Act 53 o ang “Sotto Law” at hindi umano maaaring obligahin ang isang reporter, editor at publisher na ibunyag ang source ng nakuhang impormasyon.

Hirit ni House Committee on Legislative Franchises chair Gus Tambunting na lagi na lang idinadahilan ni Celiz ang Sotto Law.

Bago tuluyang ma-contempt, apat na beses tinanong ni Suarez si Celiz tungkol sa kanyang source, habang si Navotas Rep. Toby Tiangco ay nag-alok pa ng executive session ngunit tumanggi pa rin si Celiz na isiwalat ang kanyang source dahil sa mapanganib umano ito.

Bandang huli naghamon pa ito sa mga mambabatas na kung iccontempt siya ay “so be it.” Gail Mendoza

Previous article2 tulak patay sa buy bust, 1 arestado
Next articleCyberlibel Law nais ipa-decriminalize