MANILA, Philippines – Ipinakita na sa publiko ang andas ng Poong Jesus Nazareno na gagamitin sa mahabang prusisyon ng Traslacion sa Enero 9.
Makikita na may pagbabago sa itsura ng andas ngayong taon kumpara noong nagdaang mga taon.
Ayon kay Alex Irasga, technical adviser ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno na ang unang pagbabago kung mapapansin ay ang pinto ng andas na maraming butas para makapasok ang temperatura.
“Sinasabi ng mga eksperto kung ano ang temperatura sa labas–dapat ganun din ang temperatura sa loob kasi maraming tao sa labas kaya mainit kaya papasukin namin yung singaw sa loob tapos may exhaust fan yan sa loob kaya papalalabasin naman,” sabi ni Irasga.
Ito aniya ay upang umiikot ang hangin sa loob ng andas.
Noong nakaraang Traslacion ang andas ay nagkaroon ng moisture o pinawisan ang salamin kaya naman halos hindi na masilayan ang imahe ng Poong Jesus Nazareno.
Pangalawa meron na rin itong manibela na power steering at driver kumpara noon na timon lamang o isang bakal lamang na parang nagtitipon ng bangka na mahirap kontrolin, ani Irasga.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mabilis na ang prusisyon mula Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo church.
Sinabi rin ni Irasga na umaasa rin ang mga organizers na matibay na ang andas dahil meron na itong dalawang gulong sa harapan na gawa pa ng sarao at meron na rin aniya itong preno.
Dagdag pa ni Irasga mayroon pa ring paghila ng lubid at pagsalya pero nakikiusap ito sa mga deboto na iwasan ang pagsampa sa andas.
Ayon kay Irasga, ang nakikitang problema na lamang sa andas kung hindi susunod ang mga deboto ay ang pagsasampa pa rin sa bubongan at pagkuha sa lubid at pagbasag sa salamin.
Ang andas ay gawa sa tempered glass (laminated) kaya tiniyak na ito ay matibay. Jocelyn Tabangcura-Domenden







