Home OPINION ANG HOMECOMING NI TEVES

ANG HOMECOMING NI TEVES

BAGAMAN hindi siya agad-agad na maibabalik sa Pilipinas ngayong linggo makaraan maaresto sa Dili, East Timor, walang dudang paliit nang paliit ang mundo ng nasa alanganin ngayon at sinibak na kongresistang si Arnolfo Teves Jr.

Inabot man nang ilang buwan ang pag-iwas niya sa kamay ng batas, nadakma na sa wakas si Teves at nagsilbing halimbawa kung paano nagawa ng mga pandaigdigang mekanismo na matunton maging ang pinakamahuhusay magtago na pugante — kahit pa walang extradition treaty sa pagitan ng bansang tumutugis sa kanya at ng bansang pinagtataguan niya.

Inaresto sa pagtutulungan ng National Central Bureau ng Interpol sa Dili at ng Timorese police, hindi na maaaring maghimutok si Teves ngayon tungkol sa kawalan ng patas na hustisya. Iniisa-isa na ang mga paraan upang mapabalik siya para humarap sa paglilitis sa mga kasong murder na isinampa sa kanya sa Pilipinas, sa tulong ng mga pandaigdigang kasunduan na uubrang kilalanin ng Timor Leste — kung hindi man sa pamamagitan ng bilateral treaties, ay pupwedeng sa paraan ng pagkakapareho ng mga polisiya sa global law enforcement.

Habang nagpapatuloy ang diskusyon tungkol sa pinakamabilis na paraan upang maibalik siya sa Pilipinas, napatunayan namang walang makakapigil sa ‘ika nga ay “long arm of the law.”

Malinaw ang mensahe nito para sa iba pang mga pugante: kahit saan ka pa magtago, nagkakaisa ang pandaigdigang komunidad sa pagpapataw ng katarungan. Tama lamang na maghigpit ang mga bansa sa aspeto ng transnational criminals at magpatupad ng mga agresibong hakbangin laban sa mga nais magpakanlong sa ibang mga bansa matapos silang maghasik ng lagim sa ibang lugar.

Hindi ko akalang masasabi ko ito — pero sobrang excited na akong makita na nakabalik na rito sa ating bansa si Teves.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

Previous articleTOP PERFORMING SSS BRANCHES, KINILALA NI PCEO MACASAET
Next articleBELMONTE : LEADERSHIP NOT GENDER MAKES GOOD GOVERNANCE