Home OPINION ANG INGAY NI TRILLANES

ANG INGAY NI TRILLANES

NAKABIBINGI ang ingay ngayon ni dating Senador Antonio Trillanes III na para bang inahing manok na putak nang putak!

Mas maganda pa pakinggan ang putak ng manok, kaysa sa ingay ni Trillanes na dati na niyang ginagawa basta makapag-ingay lang.

Ang sakit kasi sa tainga ng ingay ni Trillanes. Nakaiirita!

E kasi ba naman, lahat na lang yata ng isyu e kanyang sinasawsawan, lalo kapag laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi nga ng netizens, mas mabilis pa ang bunganga niya sa mga “Marites”.

Kaya naman binatikos siya ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa kanyang pagpuna sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa “PDEA leaks.”

Aba’y nais ipatigil ni Trillanes kay Dela Rosa ang Senate inquiry sa “PDEA leaks” na nagdadawit kay Pangulong Bongbong Marcos at aktres na si Maricel Soriano.

Aba’y bahket?

Hindi kasi nasisiyahan si Trillanes sa estilo nang paghawak ng senador sa isyu dahil si BBM ang sangkot.

Pero kung si FPRRD ang involved, baka kuntodo sulsol pa ang dating mutineer na ito.

Sobrang gigil niya kay Duterte dahil sa dating Pangulo “nasira” ang kanyang karera. Kaya basta isyu tungkol kay Digong, “kumukulo ang kanyang dugo”.

Sabi nga ni Bato, bastos at walang respeto sa kanyang komite si Trillanes.

Aktibo na naman sa pag-iingay si Trillanes dahil balak yata niyang tumakbo uli sa darating na halalan.

Pumuputok na tatakbo raw siyang mayor sa Caloocan o kaya’y sa pagkasenador…na naman!

Sobrang ingay niya ngayon ‘pagkat kulelat siya kahit na saang sarbey, lalo sa senatorial.

Sabi ng netizens, wag nang umasa si Trillanes na mananalo pang muli sa senatorial elections.

Alaws na siya, olat na!