MANILA, Philippines — Arestado ang isang dinismiss na pulis at dalawa pang indibidwal dahil sa umano’y pagbebenta ng mga nakaw na motorsiklo, sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng NCRPO na nakatanggap ng tawag ang officer-on-duty ng Station Tactical Operation Center ng Manila Police District noong Huwebes ng gabi tungkol sa grupo ng mga indibidwal na armado ng baril na naiulat na nagbebenta ng mga nakaw na motorsiklo.
Ayon sa complainant, biktima rin siya ng nasabing scheme, na nakabili ng motorsiklo sa mga suspek noong Mayo 7.
Sa operasyon nitong Biyernes ng madaling araw, naaresto ang tatlong suspek na sina Mark Joseph Amatorio Patayan, 33; Jhon Ace Ortiz, 29; Jorje Timothy Casale, 31.
Napag-alamang si Patayan ay dating police corporal na natanggal sa serbisyo.
Sinabi ng NCRPO na dinala ang mga naarestong suspek sa himpilan ng pulisya para sa maayos na imbestigasyon at para sa pagsasampa ng pormal na reklamo. Kakasuhan si Patayan ng estafa, usurpation of authority o official functions, falsifying documents, at illegal possession of firearms and ammunition.
Si Ortiz at Casale ay kakasuhan din ng estafa. Sinabi ng NCRPO na biniberipika na ngayon ng mga imbestigador ang pagmamay-ari ng mga narekober na motorsiklo. Santi Celario