Home OPINION ANG ISYU NG MGA TSUPER AY HIGIT PA SA P15

ANG ISYU NG MGA TSUPER AY HIGIT PA SA P15

BUKAS, tatalakayin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang isang bagay na hindi maiiwasan – ang petisyon para sa taas-pasahe mula sa mga jeepney driver. Sa nakalipas na dalawang taon, iginigiit ng mga tsuper ng pampasaherong jeep na itaas ang minimum na pasahe sa ₱15.

Sa urong-sulong na inisyatibong ito, ang naipatupad ay ang provisional increase na ₱13. Pero dahil sa inflation na labis na nakaaapekto sa bawat Pilipino, nauubusan na ng pasensya ang mga jeepney driver sa paulit-ulit na tugon sa kanilang hinaing — na ang pagdaragdag ng pasahe ay pahirapang pagbabalanse sa kapakanan ng mga kinauukulan.

Hindi sasabihan ng kolum na ito ang LTFRB kung ano ang dapat gawin, bagama’t hindi mahirap sabihing ang mas may malaking kasalanan dito ay ang kawalan ng aksyon ng gobyerno sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.

Hanggang ngayon, walang ginawa ang administrasyong Marcos para magkaloob ng direktang subsidiya o, kahit man lang, bawas-buwis sa petrolyo para sa mga pampublikong sasakyan. Marahil ito ang usaping dapat harapin ng Presidente bago siya magdadada sa mga campaign rally ng mga pambato sa Senado ng kanyang administrasyon.

Ang comeback ni Manny

Noong nakaraang linggo, nahuli ang convoy ni Manny Pacquiao sa iligal na paggamit ng EDSA bus lane. Ang kanyang security detail, gaya ng masunuring minions, ay humingi ng tawad, tinanggap ang tiket, at siniguro sa publiko na ang kanilang amo ay “walang kinalaman sa nangyari.”

Wala akong intensyong maliitin ang ating sports hero na binansagan bilang ating “Pambansang Kamao.” Pero kung sobra siyang astig sa ring, bakit parang hindi yata kontrolado ni Manny ang sarili niyang grupo? Maliban na lang, siyempre, kung nagpapanggap lang siyang walang alam.

Ganito rin ang pagkalito ko noong 2022 nang kumandidato siya sa pagkapangulo at binira ang ideyang maghalal muli ang mga Pilipino ng isa pang Marcos. Sinabi pa nga niyang dahil sa korapsyon, hindi karapat-dapat si Bongbong Marcos para pamunuan ang bansa.

Fast forward ngayon, kumakandidato si Pacquiao sa Senado sa ilalim ng ticket ng administrasyong Marcos. Kung naniniwala na ngayon si Manny na malinis na mula sa korapsyon ang gobyerno ni Marcos, posibleng nagsisinungaling siya o wala lang talaga siya sa hulog — wala sa dalawang ito ang makapagsasabing dapat nga siyang magbalik sa Senado.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.