MANILA, Philippines – Inireklamo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pahayag nito na papatay sa 15 senador upang mabigyan ng puwang ang senatorial slate ng PDP-Laban.
Nagtungo si PNP-CIDG Chief Police Brig Gen. Nicolas Torre III sa Department of Justice para personal na isampa ang mga reklamong unlawful utterances at inciting to sedition.
Iginiit ni Torre na hindi maaaring itago sa likod ng palusot na biro lamang ang kanyang naging pahayag.
Mapanganib aniyang gayahin o seryosohin ito ng mga Duterte supporters gaya ng nangyari sa war on drugs.
Nilinaw din ni Torre na inihain niya ito bilang mamamayan at lingkod-bayan, at walang sinuman ang nag-udyok sa kanya. TERESA TAVARES