Home OPINION HOTEL NI VILLAR MAY UTANG SA BUWIS NA P83M?

HOTEL NI VILLAR MAY UTANG SA BUWIS NA P83M?

KUNG ang Las Piñas City Treasurer’s Office ang ating tatanungin ay sinasabi nitong may matagal nang nakabinbing bayarin sa buwis ang marangyang hotel na pagmamay-ari ng pamilya ni dating Senate President Manny Villar.

Sa talaan ng Las Pinas CTO, lumalabas na ang Mella Hotel, na matatagpuan sa Villar Sipag sa C5 Extension Road, ay hindi umano nagbabayad ng real property tax (RPT) mula nang magbukas ito sa publiko noong Enero 2019.

Nabatid na naipon ang mga obligasyon sa buwis ng Villar Group of Companies (VGC) sa pamahalaang lungsod bago at matapos ang COVID-19 pandemic.

Batay sa statement of account (SOA) na may petsang February 14, 2025 umabot na sa P83,798,450.93 ang balanse ng Mella Hotel sa RPT at penalties para sa kasalukuyang taon.

Ang taunang utang ng nasabing hotel sa RPT ay umabot sa P13,623,188.62 mula taong 2019 hanggang 2022; P12, 039,096.92 noong taong 2023; isa pang P10,138,186.88 noong nakaraang taon at P7,128,412.65 sa loob ng dalawang buwan ngayong taon.

Sa oras na magkabisa ang amnesty program ng pambansang pamahalaan, mawawala ang multa sa utang ng RPT ng Mella Hotel sa P55,760,027 o mas mababa pa ng humigit-kumulang P28, 038,423 na diskwento, ayon sa tanggapan ng ingat-yaman ng lungsod.

Ibinunyag ng mga rekord na mula sa P213-milyong naipon na buwis at mga penalty, ang VGC ay nagbayad lamang ng P151-milyon sa RPT para sa ilang mga asset sa lungsod noong Nobyembre 2023, na nag-iiwan ng malaking balanse na maiuugnay sa Mella Hotel.

Gayunpaman, itinuturo ng VGC executives na marami umanong kamalian sa SOAs na inilabas ng lungsod, tulad ng mga maling pangalan ng nagbabayad ng buwis, maling pagtatasa ng ari-arian at maling kalkulasyon.

Tiniyak nila sa publiko na ang kanilang mga kompanya ay nagbayad ng P151.8 milyon, kabilang ang mga paunang bayad para sa 2024 RPT, at idinagdag na ang anumang natitirang mga buwis, pagkatapos ng mga pagwawasto, ay babayaran nang kusa.