Home OPINION ‘ECHA FUERA’

‘ECHA FUERA’

BAGO ang lahat, pagbati ng mainit, maingay, at malakas na ‘HAPPY BIRTHDAY!’ kay ex-Senate President Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at higit sa lahat, kay ex-Usec/NPC president, Benny Antiporda. May God always protect and guide you, Brod Benny.

***
Papunta na sa tigil-putukan ang giyera sa Ukraine. Nakaraang linggo, nag-usap na sa telepono si United States President Donald Trump at Vladimir Putin ng Russia na nagresulta sa ikinakasang pag-uusap ng kani-kanilang ‘foreign ministers’ (Rubio/Lavrov) sa Saudi Arabia.

Ang “masaklap” dito? Nilinaw ng US na HINDI na kailangang kasama pa sa “huntahan” ang Europe/ North Atlantic Treaty Organization at Ukraine; sina Trump at Putin na lang ang “magsasara” ng usapan kung ano ang magiging pinal na kinabukasan ng Ukraine, aguy!

“Maglupasay” man ang EU/NATO at Ukraine na patuloy sa kanilang pag-iingay, wala silang magagawa. Ang katotohanan nga kasi, bilang mga “puppet” lang ng ‘Tadong Unidos, hindi na kailangan ang kanilang opinyon kapag nag-usap na ang mga “amo.”

At “gawain” din ito ng EU nang “hatiin” nila ang Africa at Middle East sa kani-kanilang sarili– hindi man lang “tinanong” ang mga Arabo at mga African kaya huwag na silang magreklamo, pwede bah?!

Mahaba ang “listahan” kung saan kapag nag-usap ang mga totoong may hawak ng kapangyarihan, hindi siyempre kasama ang mga “kamote.” Tayo mismo ay nakaranas na itratong “basahan” ng mga Kano, oh, ‘di bah?!

Sa ‘Treaty of Paris’ ng US at Spain noong 1898, ‘echa fuera’ ang mga Pilipino nang “ibenta” ng Spain ang ‘Pinas sa Kano.

Pangamba natin? Mag-uusap din ang Kano at China eh, paano kaya kung… “ilaglag” naman tayo ng US sa China?

Naloko na!