Home OPINION DENGUE KAHIT SAAN, KAHIT KAILAN

DENGUE KAHIT SAAN, KAHIT KAILAN

NAPAKAHIRAP na nga ang buhay, nananalasa pa ang dengue na wala pang tiyak na gamot hanggang ngayon.

Kabilang sa mga nagdeklara na ng dengue outbreak ang Quezon City habang maglalabas ng pabuyang P1 kada patay na lamok ang Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.

Tatlong rehiyon ang nag-ulat ng pagdami ng mga biktima, kasama ang Central Luzon at bahagi ng Timog Katagalugan.

Kapag pumunta ka sa mga ospital, lalo na sa mga pampubliko, sandamukal na ang may dengue.

Nagbago na rin ang panahon ng dengue.

Kung noong una, eh, karaniwang sa pagtatapos ng taon may outbreak dahil sa tag-ulan at marami ang mga basa o may tubig na lugar na pinangingitlugan ng mga lamok na may dala-dalang dengue, ngayon hindi na.

Ngayon, mula Bagong Taon hanggang Kapaskuhan na.

Isa pa, kung sa umaga umaatake ang mga lamok noon, ngayong buong araw na bagaman higit na aktibo sila sa umaga at dapithapon.

Isa pa, anak ng tokwa, hindi na lang sa malilinis na tubig nangingitlog ang lamok na may dengue kundi pati na rin sa marurumi.

SINTOMAS

Magandang malaman ng lahat ang mga sintomas ng dengue para makagawa sila ng paraan laban dito.

Ayon sa Department of Health, kauna-unahan na sintomas ang pagkakaroon ng lagnat sa taas na mula sa 40 degrees Celsius.

Pero kakambal nito ang matinding sakit ng ulo, pananakit sa loob ng mata, pananakit ng mga masel at kasu-kasuan, pagkahilo, pagsusuka, pamamaga ng mga singit at butlig o pantal sa balat.

Kapag meron ka ng mga ito, mag-isip-sip ka na.

Dapat ka nang magpa-check-up sa mga ospital o doktor.

Libre naman ang konsultasyon sa mga public hospital at may mga pribadong doktor at ospital na mababa naman ang singil sa konsultasyon.

PAGKAADIK SA GADGET

Walang pinipili ang sakit na ito.

Lalaki o babae, bata o matanda.

Pero karaniwang mga bata ang tinatamaan dahil sa kawalan ng mga ito ng aktibong kaisipan at pagkilos na lumaban sa lamok at hindi sila katulad ng mga may edad na kapag may lamok na kumakagat at umaaligid, aksyon agad sila sa pagpatay at pagbugaw.

Ang nakaaasar at nakababahala na rin, naaadik na talaga ng mga bata sa mga gadget.

Wala na silang panahon na umiwas sa pagkagat ng mga lamok o pumatay sa mga ito.

Nandiyan na nga na puro pantal ang kanilang katawan sa kagat ng lamok, wala silang pakialam kundi ang manood sa mga palabas sa gadget o maglaro.

Sa kagustuhan naman ng mga titser na magiging matalino ang mga bata, nakalilimutan nilang bantayan o paalalahanan ang mga bata ukol sa mga lamok na naglipana sa school rooms.

Ang laki ng gastos sa ospital na roon nagtatagal ng hanggang tatlong linggo ang may dengue, at kung minamalas siya, malaking gastos din ang lamay at paglilibing.

Kaya dapat kumilos lahat laban sa dengue, pamahalaan man o mamamayan sa lahat ng oras at araw.