Home HOME BANNER STORY Mga Tulfo ipinadidiskwalipika sa 2025 polls

Mga Tulfo ipinadidiskwalipika sa 2025 polls

MANILA, Philippines – Naghain ng disqualification case ang isang abogado laban sa mga Tulfo sa kanilang pagtakbo sa posisyon sa Halalan 2025.

Sa 19 pahinang petisyon na inihain ni Atty. Virgilio Garcia sa Commission on Elections (Comelec), hiniling na idiskwalipika si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at broadcast journalist Ben Tulfo, na parehong tumatakbo sa Senado; ACT-CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo at Quezon City Rep. Ralph Tulfo, na nagbabalik sa Kamara at dating Tourism secretary Wanda Tulfo Teo na nominado naman ng Turismo party-list.

Sina Erwin, Ben at Wanda ay magkakapatid, habang sina Jocelyn at Ralph ay maybahay at anak ng isa pang kapatid ng mga Tulfo na si Raffy na kasalukuyang senador.

Sa kanyang petisyon, sinabi ng petitioner na ang mga Tulfo ay bumubuo ng political dynasty na ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Constitution at hindi natural-born Filipinos.

“They are within the first and second civil degree of consanguity or of affinity of each other,” saad sa petisyon.

“There is already an existing anomalous scandalous father mother son in congress and this family want to add three more making a total of seven of them, all in same Congress. That is clearly a concentration of political power in one family,” sabi ni Garcia.

Wala pang komento ang mga Tulfo hinggil dito at hindi pa umano natatanggap ang reklamo laban sa kanila.

Samantala, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na sasailalim ito sa karaniwan at ordinaryong proseso na itatalaga sa isang dibisyon ng Comelec.

Ang petisyon ay may petsang Pebrero 14, 2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden