
KUMBAGA sa may pinag-aralan, itong si incumbent Manila Mayor Honey Lacuna Pangan ay may mataas na naabot sa kolehiyo. Huwag na sabihing dahil isa siyang doktor. Ilagay na lang natin na siya ay isang ordinaryong tao.
Pero ang kanyang kaisipan ay hindi pampulitika. Bakit? Kasi nga wala siyang pakialam kung magalit man sa kanya ang mga mismong empleyado niya sa city hall sapagkat sa pasimula pa lang ng campaign season ay binalaan na niya ang mga kawani na kanyang nasasakupan na hindi dapat sumawsaw sa pulitika.
Siguro nga para sa mga kawani ay babala ang ginawa ng alkalde subalit tama naman ang kanyang ginawa na para sa kanya ay seryosong paalala lalo na sa mga regular na empleyado. Kasi nga kapag nalaman na sila ay namumulitika, posibleng madamay ang kanilang pwesto o trabaho.
“Employees especially the regular ones should remain apolitical. ‘Wag na makisawsaw sa pulitika,” ayon sa unang babaeng alkalde ng Lungsod ng Maynila.
Kailangang pangalagaan ng mga kawani ng pamahalaan lalo na ang mga may ‘permanent item’ ang kanilang posisyon at isang paraan nito ay hindi pakikisali sa partisan politics, giit pa ng Lacuna-Pangan sa ginawang Monday flag raising ceremony sa Kartilya ng Katipunan.
Sinabi ni Lacuna-Pangan na pumasok na ang campaign period sa national elections at ilang linggo na lang ay magsisimula na rin ang kampanya para sa local politics kaya naman dapat maging maingat ang mga empleyado ng pamahalaan.
Hindi lang dapat, aniya, mga empleyado ng Manila City Hall ang dapat maging ‘apolitical’ subalit maging ang mga nasa national government at iba pang local government units sapagkat trabaho nila ang nakasalalay kapag nahuli sila na may ikinakampanyang politiko.
“Dapat isaisip ng bawat isa na bawal mangampanya ang sinomang nasa gobyerno kahit pa boss niya ang ikinakampanya nila,” ayon pa kay Lacuna-Pangan.
Idinagdag pa niya na sa kabila na may kandidatong Napili na ang mga ito sa national o local elections man, dapat ay hindi pa rin ng mga ito ikampanya.
Lalong hindi dapat gamitin ng empleyado ang social media upang ikampanya ang napipisil niyang kandidato kahit pa ito ay mismong amo o boss ng empleyado.
Inulit ng alkalde na kapag ginawa ang ganitong paglabag sa panuntunan, posisyon nila sa pamahalaan ang nanganganib. Sakaling matanggal sa trabaho, sino nga naman ang aasahan ng pamilya nito?
Dagdag payo pa ng alkalde, huwag pumatol sa mga nakikita o nababasang post sa social media dahil kapag nailabas ang emosyon ay tiyak na kapahamakan ang kauuwian kaya dapat bigyang proteksyon ang trabaho lalo na ang mga may pwesto.
Nakatutuwa naman ang ganitong klaseng politiko. Nanay na nanay ang dating ni Mayora dahil hindi niya iniisip na ang karamihan ng mga nasa Manila City Hall ay nasa panig niya. Ang tanging iniisip niya ay kung paano ang mga ito maililigtas sa kawalan ng trabaho kung mabuking na namumulitika.