
BINIGYANG diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex T. Gatchalian ang pangako ng pamahalaan na patuloy na tiyakin na binabantayan at tinutugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Itinampok sa kaganapan ang livelihood assistance desk mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), DSWD, at iba pang katuwang na ahensya para magbigay ng impormasyon sa mga programa para sa mga nagnanais mag-negosyo. Pinalawig din ng DOLE ang tulong-ligal nito upang tugunan ang mga hinaing ng mga manggagawa sa mga usapin sa paggawa.
Samantala, nagsagawa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng skills demonstration at training session sa mechatronics—na tumatalakay sa computer-controlled machines, robotics, at food and pastry preparation. Dinala rin ng Department of Agriculture (DA) ang programang KADIWA nito sa kaganapan.
Bukod sa job fair, nagbigay rin ang DOLE ng oryentasyon sa programa nitong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), partikular sa mga residente ng Isla Puting Bato, Maynila na naapektuhan ng sunog kamakailan.
Bukod sa NCR, nagsagawa rin ang DOLE ng regional job fair sa iba pang rehiyon mula Enero 28 hanggang 31, kung saan ang kabuuang 1,029 ang na-hire-on-the-spot mula sa 9,373 nagrehistro, batay sa ulat ng DOLE regional offices.
Sinabi ng DOLE Bureau of Local Employment na mahigit 50,000 trabaho ang inialok sa ginanap na job fair sa buong bansa, kabilang ang ginanap sa Maynila.
Itinampok din ang one-stop shop para sa mga naghahanap ng trabaho upang mapakinabangan ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan mula sa National Bureau of Investigation, Social Security System, Professional Regulation Commission, PhilHealth, at Philippine Statistics Authority. May kabuuang 2,145 indibidwal ang nakinabang sa mga serbisyong ito sa ginanap na job fair sa buong bansa.
Dagdag pa rito, 279 na naghahanap ng trabaho ang sumailalim sa pagsasanay, at 91 naman ang tumanggap ng tulong-pangkabuhayan.
Sa isang hiwalay na career event noong nakaraang linggo, ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr. ang plano na gawing regular ngayong taon ang pagsasagawa ng job fair sa buong bansa, na higit na nagpapakita sa pangako ng pamahalaan na tugunan ang unemployment.