Home Uncategorized ANG MARIHUWANA, BOW!

ANG MARIHUWANA, BOW!

SA ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency, may nakumpiska nang P23.62 bilyon na iligal na droga ng pamahalaang Marcos simula nang maupo ito noong Hulyo 2022.

Marihuwana, shabu, cocaine, heroin, party drugs, ecstasy at iba pa ang mga nakukumpiska.

Napakalaking halaga niyan.

Kapag hindi nakumpiska ang mga ‘yan, bilyonaryo at milyonaryo ang mga pangunahing may hawak sa mga negosyong ‘yan.

At totoong bilyonaryo at milyonaryo, ha!

Nakita naman ninyo sa nakumpiskang P6.7 bilyong droga sa isang pulis na protektado ng mga koronel at heneral noong Oktubre 2022.

May nagmarites din kung paano nagkaroon ang ilang miyembro ng PDEA ng magagandang sasakyan pero iginagarahe sa mga mall at hindi sa mga opisina ng PDEA.

Hindi naman kaila kung paano nasangkot ang mga PDEA agent sa Taguig bago mag-Pasko noong 2022.

At matitindi rin ang mga politiko na sangkot dito na naging matataas na opisyal ng gobyerno.

Ilan sa kanila ang naging kongresman, gobernador at mayor na kung hindi mga protektor ay mismong druglord din…sa listahan noon ni Pangulong Digong Duterte.

Saludo sa lahat ng naging tapat sa tungkulin na mga alagad ng batas at mga opisyal ng pamahalaan na masugid na nagtatanggol sa kalusugan at kinabukasan ng lahat ng mamamayan na kung pababayaan ang paghahari ng droga ay masisira lahat, maging ang pamahalaan.

ANG MARIHUANA

Pero dito sa marihuwana tayo may pag-uusapan.

Sa kasalukuyan, may nagpapanukala na dapat gawin na itong ligal sa mahal kong Pinas.

Isa sa mga naunang nagsaligal na bansa sa Asya ang Thailand.

Noong 2018, ginawa itong ligal at nagsimulang gamitin ito bilang medisina, at nitong 2022, sinibak na bilang krimen ang pagtatanim, paglalako, pagpoproseso at paggamit nito.

Kaya naman, ginawa na itong sangkap ng pagkain at inumin sa mga restoran at inuman.

Pero bawal pa ring mag-smoke nito sa mga pampublikong lugar na kung mahuli ka, maaari ka pa ring makulong at magmulta ng mahal.

Tatlong buwang pagkakulong at 800 na dolyar na multa ang mga parusa.

Ngayon, mga Bro, balak na ibalik bilang krimen ang pagtatanim, pagproseso, paglalako at iba pa ng marihuwana.

Napakahirap umano nilang kontrolin ang marihuwana sa norte ng Thailand na konektado sa mga druglord sa Myanmar at Laos o Golden Triangle sa Asya.

ANO BA MERON SA MARIHUWANA?

Kung titingnan ang nagaganap noon sa United States noong 1930’s na naghahari ang marihuwana bilang droga, nasisira noon ang mga Kano.

Kasi naman, kapag nakatsongki na ang mga Kano, hindi na sila mapigilan sa pakikipag-sex sa sex orgy, palaging gutom at nagbubunga ito ng mga nakawan upang may ipambili ng drogang ito.

Kapag nasobrahan ka naman talaga sa pagyosi ng marihuwana, naririyan na ang pagiging high.

Bukod sa kwento ukol sa pagiging mael, matakaw at masaya at tawa nang tawa nang walang dahilan, meron ding pagkasira ng ulo sa anyo sa iba’t ibang anyo.

Ito ang isang malaking dahilan upang ibalik ng Thailand bilang bawal na droga at krimen ang marihuwana.

Ano kaya ang masasabi ng iba riyan?