Home NATIONWIDE Angelica Yulo kay Caloy: ‘PATAWAD ANAK’

Angelica Yulo kay Caloy: ‘PATAWAD ANAK’

MANILA, Philippines – MADRAMANG humarap sa mga mamamahayag si Angelica Yulo, ina ni Olympic two time gold medalist Carlos Yulo, upang wakasan na ang mala-teleseryeng iskandalo sa kanilang pamilya.

Kasama ang abogadong si Atty. Raymond Fortun, nilinaw ni Angelica ang mga naging rebelasyon ng kanyang anak hinggil sa kanilang hindi pagkakaunawaan.

“Umabot na kasi ito sa nakakaalarmang sitwasyon dahil buong sambayanan ay alam na at nakaabang na sa mga susunod na salita ng bawat isa kung kailan dapat na ang ganitong hindi pagkakaunawaan ay mananatiling pribado at inaayos sa personal na paraan,” simula ng nanay ni Caloy.

Sinabi ni Angelica wala siyang hangad kundi ang kabutihan ng anak at inaamin niya na may pagkakamali rin siya bilang nanay.

“Hindi ako perpektong ina at alam ng Diyos na hindi ka rin perpektong anak at walang perpektong pamilya. Walang hangad ang isang ina kundi ang ikabubuti ng kanyang anak at sa bawat miyembro ng pamilya.”

“Ako ay isang ina na nasaktan dahil ang mabait na anak na pinalaki ko nang maayos at mabuting tao ay hindi na nakikinig sa mga paggabay ng magulang.”

“Kung mali man ang naging pagpuna ko sa mga ginawa mo ay humihingi ako na patawad dahil nanay lang ako na nag-aalala. Matanda ka na at kaya mo nang magdedisyon para sa sarili mo,” ang naiiyak na pahayag ni Gng. Yulo.

“Bukas ang ating tahanan, may pera ka man o wala, bukas ang pintuan kung nanaisin mong bumalik sa amin.”

“Hindi na pwedeng bawiin ang nasabi, ang amin lang handa na ako at ang papa mo na mag-usap tayo na bukas ang loob anumang oras na handa ka pag-uwi mo upang maayos ito.”

Ayon kay Angelica, hindi kailangang malaman ng ibang tao ang mga alitan dahil nila sa pagsasabing hindi nila alam ang buong kuwento at hindi nila lubos na nauunawaan.

“Humihingi ako ng patawad sa iyo at sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interview,” anang ginang.

“Patawad anak, naiintindihan ko kung iisipin ng iba na kaya lang ako nagsasalita ngayon ay dahil sa iyong tagumpay at kasaganaan. Ako ay nagsasalita para ilagay na sa katahimikan ang isyu,” sabi pa ni Angelica.

“Pagod at puyat ako sa panonood sa iyo, hindi makatulog sa tuwa kahit tapos na ang iyong laban. Hindi ako nakapag-isip nang mabuti, nirapido ako ng tanong ng mga reporter,” aniya pa.

Sa huli, tuluyang bumigay si Angelica at walang humpay na naiyak matapos magpasalamat at batiin ang anak sa tagumpay na nakamit.

Sa kanyang naunang post sa TikTok, sinabi naman ni Caloy na matagal na niyang napatawad ang ina kahit ramdam niyang hindi bukal sa puso ang suporta nito sa kanya.

Nilinaw ni Caloy na hindi naman talaga tungkol sa pera ang usapin para sa kaniya kundi ang paggamit ng ina sa pera nang hindi ipinapaalam sa kaniya kung saan napunta.

“Never ko po na-receive ‘yung incentives ko po na ‘yun at never ko na rin hiningi ‘yun sa kanila. Binigay ko na at wala na po ‘yun sa akin. Ang sa akin lang naman, gusto ko lang malaman kung saan napunta ‘yung incentives. ‘Yung principle po kasi dito ay wala sa liit o laki ng amount po ng incentives na ginalaw niya, kundi po sa pagtago at paggalaw niya nang wala akong consent,” paliwanag ng binata.

Ayon kay Yulo, nasasaktan din siya dahil kaagad na hinusgahan ng ina ang nobyang si Chloe pero ipaglalaban niya ang girlfriend dahil mahal niya ito.

Tila umano pinalilitaw ni Angelica na “mauubos lang ang pera” ni Caloy “Unang-una po, si Chloe ay may sariling income. Lahat ng nakikita niyong gamit o ‘yung pag-travel niya kung saan-saan, galing po ‘yun sa pinagpaguran niya,” pagtatanggol ni Caloy sa nobya.

Gayunman, sinabi ni Caloy na “Ma, maraming salamat po and ina-acknowledge ko po ‘yung pagko-congratulate niyo sa akin.”

“Mag-heal kayo, mag-move on” sa mga nangyari,” anang Olympian double gold medalist. RNT