Home NATIONWIDE ‘Angels of death’ ni Quiboloy mga armadong kalalakihan – PNP

‘Angels of death’ ni Quiboloy mga armadong kalalakihan – PNP

MANILA, Philippines- Hindi “spiritual beings” ang “angels of death” na umano’y ginamit ni self-proclaimed “appointed Son of God” Apollo Quiboloy upang takutin ang umano’y kanyang sexual abuse victims kundi mga armadong kalalakihan, base sa mga pulis nitong Biyernes.

Ibinunyag ito ni Davao City police chief Col. Hansel Marantan nitong Biyernes, subalit itinanggi ito ng kampo ni Quiboloy.

“From what I know, they are composed of active and non-members of the security forces, the security members, they are the members of the ‘angels of death’,” pahayag ni Marantan sa isang panayam.

Isniwalat din niyang isa sa angels of death ni Quiboloy ang “voluntarily given the information” sa mga awtoridad.

Nitong Huwebes, sinabi ni Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo na isinumbong ng bagong batch ng mga biktima umano ni Quiboloy ang tungkol sa grupo ng mga kalalakihan.

“I don’t know how can you describe the ordeal that these children went through,” ani Fajardo, idinagdag na tiniyak umano ni Quiboloy sa mga biktima na nanatili silang “pure” at “intact” dahil nakipagtalik ang mga ito sa “spirit of God.”

Binalaan umano ni Quiboloy ang mga biktima– ilan sa kanila ay 12 hanggang 13 taong gulang– na kukunin sila ng “angel of death” kapag isinumbong nila ang umano’y sexual crimes ng religious leader, base kay Fajardo.

“Well, we don’t know if these angels of death are literal goons of Quiboloy or just a figurative speech that they say to scare the children,” wika ng opisyal.

Sa media briefing nitong Biyernes, sinabi ni Fajardo na base sa mga bagong salaysay, lumalabas na ang angels of death ni Quiboloy ay tila mga “real people.”

“Pastor Quiboloy has no private army,” ayon kay Mark Tolentino, legal counsel ni Quiboloy, sa isang chance interview nang hingan ng komento ukol sa pahayag ni Fajardo.

Sa kasalukuyan, nananatili si Quiboloy sa PNP Custodial Center. Nakaditene naman ang iba pang respondents sa PNP Custodial Center hanggang Biyernes bago inilipat sa Pasig City Jail. RNT/SA