LUCENA CITY- Natagpuan ang lalaking Chinese national at kanyang kasamang Pinay, na dinukot umano sa Parañaque City, sa bayan ng Laurel sa Batangas nitong Biyernes.
Sinabi ng Region 4A police sa ulat nitong Sabado na nakita ng isang residente si “Shi”, 36, at “Milagros”, 36, sa kahabaan ng Diokno Highway sa Barangay San Gregorio bandang alas-3:16 ng madaling araw noong Setyembre 13.
Base sa mga biktima, kapwa residente ng Barangay Sto. Niño sa Parañaque City, dinukot sila ng grupo ng mga hindi nakilalang kalalakihan at pwersahan silang isinakay sa kulay silver na sasakyan.
Tumakas ang kidnappers matapos silang pakawalan sa lugar kung saan sila natagpuan.
Hindi na nagbigay ng karagdagang impormasyon ang mga pulis ukol sa mga biktima at detalye ng umano’y abduction incident.
Iteturn-over ang mga biktima sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group para sa wastong disposisyon. RNT/SA