MANILA, Philippines – PINASINAYAAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pagbubukas ng bagong tayong Manila Animal Shelter and City Pound at ang bagong Vitas Slaughterhouse nitong Martes sa Vitas, Tondo.
Ayon kay Lacuna, ang bagong animal clinic ay may mga kwarto para sa mga operasyon, laboratoryo, x-ray, grooming, at cage room para sa 84 na aso’t pusa kung saan mayroon din silang isolation room para naman sa mga mayroong sakit na hayop.
Nabatid naman kay Veterinary Inspection Board Officer-in-Charge Dr. Nicanor Santos Jr., bukod sa karaniwang libreng serbisyo na ibinibigay ng VIB tulad ng check-up, anti-rabies vaccination and deworming, mayroon na ring crematorium na magbibigay serbisyo sa mga mangangailangan nito sa hinaharap.
“Ito po ay hindi basta shelter at pound, ito po ay fully air conditioned pati po ang mga alagang aso at pusa. Mayroon din po na makabagong equipment na darating at pasilidad para makapaglingkod pa po kami ng maige sa mga Manilenyo,” ani Dr. Santos.
“Dito po sa ating shelter and pound ay maaari po tayong mag-adopt ng aso at pusa. Mayroon din poi tong animal clinic na libre po ang consultation pati po yung anti-rabies vaccination ay inilibre na din po natin. Kaya yung mga gustong magpabakuna dito ay magsadya lamang po sa aming clinic o kaya sa Kalinga ay libre po,” dagdag pa ni Dr. Santos.
Aniya, bukod sa karaniwang libreng serbisyo na ibinibigay ng VIB tulad ng check-up, anti-rabies vaccination and deworming, mayroon na ring crematorium na magbibigay serbisyo sa mga mangangailangan nito sa hinaharap.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Mayor Lacuna na ang slaughterhouse naman ay magsisiguro na mas ligtas at mas malinis ang pagkakatay sa mga baka, kalabaw, at baboy na kalaunan ay hinahain sa mga hapag-kainan sa Maynila.
“Dapat may sertipiko galing sa ating mga pamilihan na walang maarting masamang epekto para sa ating mga mamimili ang nabibili nilang karne. Sa ganitong paraan ay mabibigyan natin ng proteksyon ang kalusugan sa bawat isa sa atin,” giit ni Lacuna.
Kasama sa makasaysayang kaganapan sina District 1 councilors na sina Marjun Isidro, Niño Dela Cruz, at Moises Lim, District 3 councilors na sina Fa Fugoso at Terrence Alibarbar, at Biyaya Animal Foundation Co-Founder Ms. Rina Ortiz, na siyang katuwang ng pamahalaan sa pagbibigay ng libreng kapon sa ating mga alagang hayop. JR Reyes