MANILA, Philippines – Personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si National Security Adviser Eduardo Año kasama ang kanyang legal counsel upang maghain ng complaint-affidavit laban sa 18 ex-marine at sa kanilang abogado na si Atty. Levi Baligod.
Ayon kay Año, reklamong cyberlibel at perjury ang kanyang inihain upang makita, aniya, kung sino ang nagsasabi ng totoo dahil joint affidavit ang kanilang ginawa.
Aniya, pagdating sa kanya ay wala umanong masabi o maibigay na detalye ng mga akusasyon laban sa kanya at layunin lamang umanong sirain ang kanyang pangalan sa publiko.
Nais din malaman ni Año kung sino ang nagpadagdag ng kanyang pangalan o nagsama sa kanya sa mga umano’y nakatanggap ng pera kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
“Obviously, may nagpadagdag ng pangalan ko doon to discredit the NSC as an institution,” ani Año.
Nang tanungin kung sino ang nasa likod ng pagdawit sa kanya, sinabi ni Año na kilala na niya ito ngunit hindi niya lamang puwedeng sabihin.
“Well, I have to protect my name, I have to defend my honor. I served the Armed Forces for 38 years at kahit isa o anumang kaso tungkol sa korapsyon o whatever, wala akong kinasangkutan diyan—lalo na noong DILG Secretary na ako,” dagdag pa ni Año.
Noong nakaraang linggo, una na siyang naghain ng reklamo ng unlawful publications o mga maling impormasyong inihayag ng 18 nagpakilalang mga sundalo.