MANILA, Philippines – Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkoles na bubuo ang National Bureau of Investigation (NBI) ng espesyal na grupo para siyasatin ang mga iregularidad sa flood control projects, kabilang ang substandard at ghost projects.
“Walang sisinuhin dito. Basta lahat ng kasama, kasama talaga d’yan,” ani Remulla, sabay banggit na hanggang 26 katao ang ilalagay sa Immigration Lookout Bulletin Order para maiwasang tumakas.
Ayon sa kalihim, nakatakda niyang pirmahan ang ILBO laban sa 26 personalidad na isinasangkot sa flood control mess. Ang hakbang ay matapos na hilingin mismo ng bagong DPWH chief Vince Dizon ang pagpapalabas ng nasabing bulletin.
Dagdag niya, maaaring hilingin ng mga piskal ang isang Precautionary Hold Departure Order (PHDO) upang tuluyang ipagbawal ang pag-alis ng bansa ng mga sangkot. RNT