Home HEALTH Anti-dengue campaign inilunsad ng DOH

Anti-dengue campaign inilunsad ng DOH

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ang nationwide campaign sa layuning pigilan at kontrolin ang pagkalat ng mga lamok na nagdadala ng dengue sa bansa.

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na tanging ang National Capital Region, Calabarzon at Central Luzon ang nagpakita ng pagtaas ng mga kaso ng dengue nitong mga nakaraang linggo ngunit pinili ng DOH na palawigin ang kanilang mga pagsisikap sa pagpigil at pagkontrol ng dengue sa buong bansa upang maiwasan ang pagtaas ng kaso sa ibang mga lugar.

Nauna nang nagdeklara ang Quezon City ng dengue outbreak na may walo pang lugar na inaasahang mag-aanunsyo ng outbreak.

Sinabi ni Herbosa na ang deklarasyon ng dengue outbreak ay makikipag-usap sa epidemiology bureau para makumpirma kung mas higit pa sa threshold.

Sa report, ang kaso ng dengue sa QC ngayong taon a tumaas na sa 2,383 na mas mataas ng 251% kumapara sa mga kaso noong parehong panahon noong nakaraang taon.

Bukod sa Quezon City, sabay-sabay na isinagawa ang clean-up drive sa Iloilo, Antique, Aklan, Guimaras, Negros Occidental, Davao, South Cotabato, Sultan Kudarat, Lanao del Norte, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Sarangani, at General Santos City.

Samantala, kaugnay ng bagong bakuna laban sa dengue, sinabi ni Herbosa na humihingi pa ang Food and Drug Administration (FDA) ng ilang requirements mula sa manufacturer bago maaprubahan ang aplikasyon nito.

Ipinunto ni Herbosa na ang solusyon ay ang kalinisan at pagkontrol ng vector, kaya naman inilunsad ng DOH ang nationwide anti-dengue campaign.

Sinabi ng DOH nitong Biyernes na naobserbahan nila ang “paghina” sa takbo ng mga kaso ng dengue na naitala sa nakalipas na apat na linggo sa buong bansa.

Bumaba ng 5% ang mga kaso mula sa 15,904 na impeksyon noong Enero 5 hanggang 18, sa 15,134 na kaso noong Enero 19 hanggang Pebrero 15.

Mula noong nagsimula ang taon hanggang Pebrero 15, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 43,732 kaso sa buong bansa —56% na mas mataas kaysa sa 27,995 na impeksyon sa parehong panahon noong 2024.

Gayunpaman, ang rate ng pagkamatay ng kaso ay nanatiling mababa sa 0.38%.

Karamihan sa mga kaso ng dengue ay natagpuan sa tatlong rehiyon na may higit sa kalahati ng mga kaso sa buong bansa: Calabarzon (9,113), National Capital Region (7,551), at Central Luzon (7,362).

Sa mga rehiyong ito, 17 lugar ang itinuturing na dengue hot spots.

Ipinakita rin ng datos na karamihan sa mga kaso ay kinasasangkutan ng mga bata na may edad 10 hanggang 14, gayundin sa mga may edad na 5 hanggang 9. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)