MANILA, Philippines – Hihilingin ng liderato ng Senado kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-certify as urgent ang anti-political dynasty bill, ayon kay Sen. Risa Hontiveros nitong Huwebes.
Ibinahagi ni Hontiveros ang plano sa pagdinig ng Senate Ad Hoc Committee on Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) matapos igiit ni dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Deputy Governor Diwa Guinigundo ang pangangailangan ng tunay na anti-political dynasty bill.
“Irerequest ng Senate leadership na bukod sa LEDAC (Legislative Executive Development Advisory Council) priority ang anti-political dynasty bill, na ma-certify urgent din siya para sa loob nitong current session ng 20th Congress ay susubukan po naming maipasa,” pagtiyak ni Hontiveros.
Iginiit ni Guinigundo na hadlang ang political dynasties sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
“I hope both the Senate and House of Representatives will ultimately pass a genuine anti-political dynasty. Napakalaki ng problema ng ating politika at institution because of the dominance of political dynasties,” aniya.
“Tanggalin natin ang dominance ng political dynasties, maaring it can make a dent in our effort to stamp out red tape in bureaucracy or even corruption itself… Matagal na po natin dapat ginawa ito ngunit ito yung kasama ng legacy problem ng ating lipunan,” dagdag pa ni Guinigundo.
Samantala, binigyang-diin din ni Senate President Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng pagsugpo sa red tape, lalo na sa epekto nito sa mga negosyo na tinawag niyang “growth engines” ng ekonomiya. Ernie Reyes