MANILA, Philippines- Inulit ng Presidential Communications Office (PCO) ang suporta nito para sa mas malakas na social media at online content regulation.
Sa isinagawang House tri-committee hearing, sinabi ni PCO Secretary Jay Ruiz sa mga mambabatas na may pangangailangan na ipaliwanag ang “fake news” sa batas at magpataw ng mga parusa para sa sadyang pagkalat nito lalo na sa panahon ng eleksyon.
“Papaano kung ang tao bine-base niya ang mga desisyon niya sa mga fake news o kasinungalingan?” ang tanong ni Ruiz.
“Isipin mo kung ang mga botante natin boboto sa impormasyon na kasinungalingan, anong klaseng democracy ang meron tayo?” dagdag na pahayag ng opisyal.
Kaya nagbabala si Ruiz, na aniya, “if left unchecked” ay lalamunin aniya ng online disinformation ang abilidad ng mga mamamayan na makagawa ng matalinong desisyon at ilagay sa panganib ang integridad ng democratic processes.
“If you do not stop fake news, eventually our people will no longer decide based on informed decisions but based on lies,” ang sinabi ni Ruiz, tinukoy kung paano ang ilang kandidato ng nakaraang May 12 elections ay ininguso ang ang kanilang pagkatalo sa fake news campaigns.
“We agree that there is a right to information, but that right should be for accurate information,” giit niya.
Sa kabilang dako, isiniwalat din ni Ruiz na inayawan ng Meta ang request mula sa PCO at Department of Information and Communications Technology (DICT) na alisin ang fake memorandum na maling iniuugnay kay Executive Secretary Lucas Bersamin na kumakalat ngayon sa Facebook at Instagram.
“Alam mo sir, hindi nila tinanggal,” wika niya.
“Ang reason ng mga platforms is that ito is freedom of expression, may community standards kami, ang bawat isang user, siya ang accountable to his or her account,” patuloy niya.
Kinuwestiyon naman ni Ruiz ang impluwensya ng foreign-based social media companies na hindi rehistrado at hind nagbabayad ng buwis sa Pilipinas.
“With the absence of a law for defining what fake news is, (for) setting penalties… wala tayong panghahawakan,” giit ni Ruiz.
Hindi aniya kagaya ng ibang bansa tulad ng Singapore at ilan sa Europa na mayroong batas na tumutugon sa online disinformation.
Ani Ruiz, ang mga platforms gaya ng Meta ‘must act responsibly and proactively’ para sugpuin ang fake content na malinaw na naglalayong iligaw ang publiko.
Sinabi pa nito na sa Singapore, ang online platforms ay maaaring mapatawan ng mga parusang hanggang anim na porsyento ng kanilang kita o kinikita kapag napatunayang responsable sa pagpapakalat ng disinformation, isang diskarte na nagbibigay-diin sa matigas na posisyon at paninindigan ng bansa sa ‘digital accountability.’
Sa kasalukuyan, ang mga target para sa malicious disinformation campaigns ay maaari lamang makahingi ng remedyo sa ilalim ng Anti-Cybercrime Law, na hindi sumasaklaw sa fake news.
Aniya pa, kasalukuyang pinag-aaralan ng PCO at DICT ang posibilidad na pumasok sa isang memorandum of agreement sa social media platforms para palakasin ang pagtutulungan ukol sa fact-checking at pagsugpo sa disinformation.
Samantala, binigyang-diin kamakailan ng administrasyong Marcos ang kahalagahan ng responsableng ‘digital citizenship’ lalo na sa gitna ng mabilis na technological changes na nagpapatuloy para muling hubugin ang pampublikong diskurso. Kris Jose