TAG-ULAN ngayon at karaniwang natatapos ito sa Disyembre.
Sa susunod na mga taon, ganito na naman ang mangyayari dahil kalikasan ito.
Kaya naman, dapat na pagtuunan ng pansin ang mga bagyo at siyam-siyam na ulan.
Alam naman natin kung gaano kalaki ang perwisyo ng mga ito.
At maperwisyo rin ang nililikha ng mga ito na mga baha.
Lumilikha ng pinsala sa buhay, ari-arian at kapaligiran ang mga bagyo, ulan at baha.
MASTERPLAN: MERON O WALA?
Sa imbestigasyon sa Senado, hindi naging malinaw mula sa Department of Public Works and Higways kung mayroon o walang masterplan laban sa baha.
Meron naman daw at ina-update lang o tinitingnan ang relasyon ito sa maraming bagay, gaya ng climate change na nagpapabago sa mga nagaganap na bagyo, ulan at baha.
Pero hindi nakumbinse ang mga senador gaya ni Sen. Joel Villanueva na naggiit na patsi-patsi ang mga anti-flood control program o project.
‘Yun bang === hiwa-hiwalay kaya kung maayos man ang laban sa baha, lulundag naman ito sa ibang lugar.
Lumalabas na wala talagang masterplan, lalo na sa pambansang saklaw.
5,500 PROJECT, KAY PANG. DIGONG PALA
Lumitaw pa sa imbestigasyon na ang mga ipinagmalaki ni Pang. Bongbong Marcos na tapos na o malapit nang matapos na ANG 5,500 anti-flood projects sa iba’t ibang bahagi ng Pinas nitong nakaraan niyang State of the Nation Address ay kay dating Pang. Digong Duterte pala.
Nabinbin lang ang mga ito at itinuloy makaraang humupa ang Covid-19 hanggang madatnan ito ni Pang. Bongbong na siyang nagtapos ng hindi natapos ni Pang. Digong.
Hanggang lumitaw na wala pa talagang masterplan at kung meron man, pinag-aaralan pa.
Ang masakit pa, hindi pa natutuyo ang laway ng Pangulo mula sa SONA, sinalakay tayo ng matinding pagbaha sa maraming lugar na dulot ng bagyong Carina.
Naging katawa-tawa tuloy ang naging kalagayan ni Pang. Bongbong sa mga wala nang ginawa kundi sumilip ng kasiraan ng iba.
P1 TRILYONG ANTI-FLOOD PROJECT
Ayon kay Sen. Grace Poe, sa panahon ni Pang. Bongbong, nagbuhos ang gobyerno ng P556 bilyon laban sa baha at halos kalahati ito ng P1 trilyong badyet para rito sa nakalipas na 10 taon.
Sa halagang ito, dapat sanang hindi na gaanong problema ang baha ngunit kabaligtaran ang nagaganap.
Isa sa mga naging problema, ayon kay Sen. Poe, ang pakonti nang pakonting paggastos ng DPWH laban sa baha.
Halimbawa umano, noong 2021, gumastos lamang ang departamento ng 68.26%; 2022, 73%; at 2023, 58%.
KORAPSYON
Nagtataka lang tayo na walang usapang korapsyon sa Senado ukol sa P1 trilyong naibuhos laban sa nakalipas na 10 taon.
Hindi kaya ito ang pinakamalaking dahilan kung bakit walang epektibong mga proyektong laban sa baha?