TACLOBAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril sa isang kilalang anti-mining advocate sa MacArthur, Leyte noong Nobyembre 6.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jesus Cabias, 53, magsasaka at residente ng Barangay Liwayway.
Ayon sa paunang ulat, nanonood ng telebisyon si Cabias sa terrace ng kanilang bahay dakong alas-9:30 ng gabi nang pagbabarilin siya ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nagawa umano ng biktima na makatakbo at magtago sa comfort room bago siya isinugod ng MacArthur municipal rescue team sa Abuyog District Hospital.
Wala pang natutukoy na suspek at sinabi ng pulisya na wala ring nakuhang ebidensya sa crime scene. Nagsagawa naman ng hot pursuit operation matapos ang insidente.
Hindi pa rin tukoy ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril.
Kilala si Cabias sa pagtutol sa black sand mining operations sa MacArthur. Gayunman, sinabi rin sa ulat na may kamakailan siyang social media post na tumukoy sa isang usapin kaugnay ng kanyang lupa.
Samantala, mariing kinondena ng Alyansa Tigil Mina (ATM) ang pag-atake at nanawagan ng agarang at masusing imbestigasyon.
Ayon sa grupo, dapat mapanagot ang nasa likod ng pamamaril at maprotektahan ang mga environmental at human rights defenders laban sa pagbabanta, harassment at karahasan.
Nanawagan din ang ATM sa pamahalaan na bigyang-prayoridad ang pagpasa ng Human Rights Defenders’ Bill. Mary Anne Sapico